HEALTH: Karaniwang Sakit ng mga Babae

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News - Payo ni Dr. Willie T. Ong

1. Bukol sa suso – Lahat ng babae edad 20 pataas ay kailangang matuto kumapa ng kanilang suso. Gawin ito buwan-buwan bago at pagkatapos magka-regla. Humarap sa salamin at tingnan ang suso. May pagkakaiba ba ang kanan at kaliwang suso? Habang nakatayo, salatin ang suso mula sa utong (nipple). Gamitin ang dulo ng dalawang daliri at kapain ng paikutikot ang suso. Mag-umpisa sa nipple at hanggang sa papalabas. Pagkatapos ay humiga naman sa kama at ulitin ang pagkapa ng suso. Bago matapos, kapain din ang kili-kili para maghanap ng kulani (lymph nodes). Kung may bukol kayong nasasalat, magpatingin sa inyong surgeon o OBgynecologist.

2. Ulcer o pangangasim ng sikmura – Huwag magpakagutom. Kumain nang madalas sa isang araw pero kaunti lang. Small, frequent meals. Mag-almusal, meryenda, tanghalian, meryenda at hapunan. Ang pag-inom ng tubig ng pakonti-konti sa buong araw ay makababawas ng asido sa sikmura. Magbaon din ng saging o tinapay para hindi sumakit ang tiyan. Umiwas sa pagkaing nakaka-ulcer tulad ng sili, orange, pineapple, calamansi, lemon, suka, mga sitsirya at gatas. Oo, nakakangasim ng sikmura ang gatas. Mas maigi pa ang yogurt.

3. Nerbiyos o hyperventilation syndrome – Mara¬ming babae ang inaatake ng nerbiyos. Sila’y nakararamdam ng hirap sa paghinga, pamamanhid ng kamay, paa at labi. Minsan ay nahihilo sila, at lumalakas ang pintig ng puso. Kung kayo ay nakararanas nito, huwag matakot dahil nerbiyos lang iyan. Ang problema rito ay ang pagbaba ng carbon dioxide sa katawan dahil sa sobrang bilis ng paghinga. Ang solusyon diyan ay ang paggamit ng “brown bag technique.” Kumuha ng isang maliit na bag na gawa sa papel. (Huwag ang plastic bag.) Itakip sa bibig at ilong at dito huminga ng dahandahan. Gawin ito ng 15-30 minutes. Ang gusto natin mangyari ay malanghap mo ulit ang hangin (carbon dioxide) na iyong inilalabas. Sa ganitong paraan, mawawala ang iyong nararamdaman.

4. Masakit ang puson o menstrual cramps — Ang solusyon sa menstrual cramps ay pagpapahinga. Itulog mo ang sakit. Umiwas muna sa mga stress, trabaho at meetings. Maligo ng maligamgam na tubig para ma-relax ang iyong puson. Patungan ng medyo mainit na bote ang iyong puson. Sabi ng iba, ang sex daw ay nakatutulong din sa menstrual cramps. At kapag masakit talaga, uminom ng paracetamol tablets 2-3 times a day.

Dr. Willie T. Ong

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.