HEALTH: Gout, Arthritis at Uric Acid

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News - Payo ni Dr. Willie T. Ong

ANG GOUT ay isang pangkaraniwang sakit. Ang sintomas ng gout ay ang matinding pamamaga at pananakit ng mga kasukasuan ng mga daliri ng paa, kamay at tuhod. Sobrang sakit ang gout.

Para malaman kung gouty arthritis nga ang sakit, kailangan natin suriin ang Uric Acid sa isang blood test. Kapag mataas ito, gout ang dahilan ng iyong arthritis. Iba kasi ang gamutan ng gout sa ordinaryong arthritis lamang.

Nakukuha ang gout sa 2 bagay: (1) Lahi - Namana sa magulang, (2) Pagkain Mahilig kumain ng mga pagkaing mataas sa uric acid.

Ano ang pagkaing dapat iwasan ng isang taong may gout?

Sa mga gulay, iwasan ang pagkain ng asparagus, cauliflower, mushroom at spinach. Mataas ito sa uric acid. OK lang ang kanin, pero dapat bawasan ang oatmeal at whole grain cereals.

Pagdating naman sa ulam, dito tayo nagkakatalo. Umiwas sa mga lamang loob (bituka, atay, utak, puso at kidneys), sisig, beans, sardines, tunsoy, tamban, dilis, bagoong, tahong at lahat ng klaseng mani. Ang gravy, patis, at lechon liver sauce ay mataas din sa uric acid. At para sa mga alcoholic, umiwas sa pag-inom ng beer at alak kung ayaw mong atakihan ng sakit na gout.

Ano na lang ba ang puwede kainin? Puwede naman ang lahat ng gulay puwera sa mga nabanggit ko na. Ang gatas, keso at paminsan-minsan na karne ay pinapayagan din. Ang coffee, tea, gelatin at lahat ng prutas ay hindi bawal sa gout.

Ano ang mga gamot sa gout?

Kapag inatake na ng gout, hindi na sapat ang pagdi-dyeta sa pagkain lamang. Kailangan ng maintenance na gamot para bumaba ang iyong uric acid levels sa dugo. Nagrereseta kami ng Allopurinol 100 mg o 300 mg tablet bawat araw depende sa taas ng iyong uric acid. Inumin ito araw araw para hindi umatake ang gout. Kailangan po ito.

Sa oras ng pagsumpong ng gout, nagbibigay kami ng Colchicine tablets, 4 na beses sa maghapon.

Isang mahalagang tip lang po: Bawal ang Allopurinol tablets habang matindi ang atake ng gout. Inumin lang ang maintenance na Allopurinol kapag humupay na ang sakit pagkalipas ng 2 araw.

Ganito lang po ang gamutan ng mga doktor sa gout. Magpa-check-up sa inyong doktor.

Dr. Willie T. Ong

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.