Militar isinabit sa torture

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News -

ISABELA CITY – Hindi pa man nasisimulan ang imbestigasyon sa lapses ng militar sa Basilan clashes na kumitil sa buhay ng 18 sundalo ay muli na naman na-eskandalo ang Western Mindanao Command matapos na masawi ang isa sa 3 lalaki na hinuli ng mga sundalo sa lalawigan.

Namatay si Hakim Maruan matapos na diumano’y pahirapan ito ng mga sundalo. Binunot pa umano ang mga ngipin at kuko nito sa paa at kamay at halos mabasag ang bungo sa torture na dinanas.

Ang dalawa pang dinakip ng militar na sina Jung Aujal at Ibno ay pinahirapan rin ng mga sundalo at ngayon ay nasa pagamutan pa rin dahil sa mga tinamong pambubugbog.

Si Ibno ay halos hindi na makapagsalita dahil sa mga sugat na tinamo, ngunit positibo nitong sinabi sa kanyang pamilya na mga tropa ng militar ang nagpahirap sa kanya.

Nanindigan naman ang Western Mindanao Command sa ilalim ni General Mayoralgo dela Cruz na Abu Sayyaf ang 3 nadakip. Ngunit nabatid na sina Aujal at Ibno ay mga lehitimong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at wala umanong kinalaman sa Abu Sayyaf.

Sinabi ni Aujal na binalikan lamang nito ang kanyang bahay sa bayan ng Tipo-Tipo matapos ng labanan ng sila ay dinakip at pilit na pinaaamin na mga miyembro ng Abu Sayyaf. Wala pang pahayag ang MILF ukol dito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.