Payo ni Dr. Willie T. Ong: Ano Ang Mga Laboratory Test Para Sa Goiter?

Payo ni Dr. Willie T. Ong

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - First Page -

KAPAG nagpatingin kayo sa doktor para sa thyroid ay titingnan at hahawakan niya ang inyong leeg. Papalunukin ka niya habang ineeksamen ang leeg dahil ang thyroid gland ay umaakyat baba kapag lumulunok. Kung may bukol sa leeg na nasa loob ng thyroid, ito rin ay aakyat at baba sa paglunok. Kung hindi gumagalaw ang bukol sa leeg sa paglunok, malamang nasa labas ito ng thyroid gland.

Ano ang mga lab tests na puwedeng ipagawa ng doktor?

THYROID FUNCTION TESTS. T3, T4, TSH. Puwede ring free T3, free T4 o FT3, FT4. Ang T3 ay short for triiodothyronine. Ang T4 ay short for thyroxine. At ang ibig sabihin ng TSH ay Thyroid Stimulating Hormone. Sa pamamagitan ng blood tests na ito ay malalaman kung sobra, kulang o tama lang ang produksyon ng thyroid hormones sa katawan.

ULTRASOUND. Sound waves lang po ang gamit dito para makita ang hugis at laki ng thyroid gland. Dito malalaman kung may bukol sa thyroid gland. Sa pamamagitan ng ultrasound ay makikita kung ang bukol ay cyst (bukol na tubig lamang ang laman), solid (laman) o complex (magkahalong tubig at laman). Nasusukat din ang laki ng bukol (thyroid nodule) para masabi kung kailangan bang i-biopsy ang bukol. Makikita rin sa ultrasound ang ibang mga senyales na baka cancerous ang bukol pero ang biopsy lamang at hindi ang ultrasound ang makakapagpatunay dito.

FNAB. Short for fine needle aspiration biopsy. Isang pinong karayom ang ginagamit para kumuha ng konting laman mula sa bukol para malaman kung ito ay cancerous o hindi. Hindi na kailangan ng anesthesia kasi kahalintulad ito ng pagkuha ng dugo yun nga lang sa leeg ang tusok kung nasaan ang bukol. Kadalasan ang bukol ay nakikita o nasasalat kaya madali itong matusok. Kung ang bukol ay di gaanong nakakapa o kung may tubig na laman, minsan ay gumagamit ng ultrasound para matusok at makuhanan ng sample ang laman na bahagi (solid) ng bukol para maging mas accurate ang resulta ng biopsy. Mas mahal ang FNAB kapag ito ay ultrasoundguided. Isang pathologist ang magbabasa ng biopsy. Ang gumagawa naman ng biopsy ay puwedeng isang endocrinologist, siruhano, radiologist o pathologist din.

THYROID SCAN. Kung ang TSH ay hindi normal, puwedeng magpagawa ng thyroid scan ang doktor. Iba ito sa ultrasound. May iniiniksyon na kemikal para mas makita nang mabuti ang thyroid. Kung ang ultrasound ay nagsasalarawan kung ano ang hitsura (anatomy) ng thyroid, ang scan naman ay functional picture. Umiilaw o lumalabas sa scan ang mga bahagi ng thyroid na gumagana at hindi naman umiilaw o hindi lumalabas sa scan picture ang mga bahagi ng thyroid na hindi gumagana.

Huwag magalinlangang magtanong sa inyong doktor tungkol sa mga lab tests na pinapagawa upang mas maintindihan ninyo ang inyong sakit.

Dr. Willie T. Ong

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.