MISUARI, BIBIGYAN NG SAFE CONDUCT PASS

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - First Page - (Mindanao Examiner)

COTABATO CITY – Posibleng makalusot pansamantala si Moro National Liberation Front chairman Nur Misuari sa patong-patong na kasong kriminal kaugnay sa madugong atake ng mga tauhan nito sa Zamboanga City noong September 2013. Ito ay matapos na pumutok ang balitang bibigyan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ng safe conduct pass si Misuari bago matapos ang taon sa panimula ng muling pakikipag-usap ng pamahalaan sa MNLF na lumagda ng peace agreement sa gobyerno noong September 1995.

Wanted sa kasalukuyan si Misuari dahil sa atake na binansagang “Zamboanga Siege” na ikinamatay at ikinasugat ng daan-daang katao sa sagupaang nagtagal ng halos tatlong lingo. Mahigit sa 120,000 katao rin ang apektado ng labanan o bigong rebelyon – sa ikalawang pagkakataon - ni Misuari sa Zamboanga. Noong November 2001 ay naglunsad rin si Misuari ng rebelyon upang muling mabawi ang liderato ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na kung saan ay naging gobernador ito.

Nasa lalawigan ng Sulu si Misuari na kung saan ay protektado ito ng libo-libong mga armadong miyembro ng MNLF kung kaya’t hindi ito magalaw o madakip ng pulisya at militar.

Nais ni Duterte na makumbinsi si Misuari sa isinusulong na Bangsamoro Basic Law ng karibal na Moro Islamic Liberation Front upang magkaroon ng pagkakaisa ang dalawang grupo. Ngunit bukod kay Misuari, ang dating mayor ng Cotabato City na si Muslimen Sema at Abu Khayr Alonto ay nagsasabing chairman rin sila ng MNLF.

Ngunit sa kabila nito ay si Misuari pa rin ang kinikilalang lider ng MNLF at maging ng Organization of Islamic Cooperation (OIC). At sa katunayan, noong 2013 ay mismong si Misuari ang nanguna sa delegasyon ng MNLF sa OIC Summit sa Cairo, Egypt.

Ilang beses rin inakusan ni Misuari ang pamahalaan ng paglabag sa probisyon ng peace agreement, ngunit hindi naman ito pinansin ng gobyerno kung kaya’t maraming mga miyembro ng MNLF ang nawalan ng tiwala at humihiling ng katuparan sa nilagdaan nito sa gobyerno at kabilang diyan ang mini-marshal plan sa Mindanao at hanap-buhay sa mga dating rebelde, at iba pa.

President Rodrigo R. Duterte meets with former Presidents Gloria Arroyo, Fidel Ramos, Joseph Estrada and Benigno Aquino III in Malacañang on Wednesday, July 27, 2016, for a National Security Council meeting.(photo by Rey Baniquet)

Kusug Tausug Party-list Rep. Shernee Tan poses with her father, former Sulu Gov. Sakur Tan, and brother Aiman Tan during President Rodrigo Duterte’s state of the nation address on July 25, 2016.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.