HEALTH: 12 bad habits na dapat iwasan ng Pinoy

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News -

1. MAHILIG sa matatamis na inumin – Oo, siguradong guilty ka diyan. Ang pagkain ng sobrang matatamis ay puwedeng magdulot ng diabetes, katabaan at sakit sa puso rin (ayon sa bagong pagsusuri). Limitahan ang pag-inom ng soft drinks, canned juices at iced tea. Mas piliin ang fresh fruits, green tea at tubig.

2. Sobra sa pag-inom ng kape at energy drinks – Naku, marami akong kilala na limang tasang kape ang naiinom sa bawat araw. Masama po iyan kapag sumobra. Puwede kayo magkaroon ng nerbiyos, palpitation at hindi pagkatulog. May iba naman na umaasa sa energy drinks para labanan ang kanilang pagkapuyat. Mali rin po iyan. Para magkaroon ng energy, kumain nang tama, magpahinga ng sapat at umiwas sa bisyo.

3. Sobra sa dami ng rice – Ayon sa pagsusuri, ang sobrang pagkain ng kaning puti ay puwedeng magdulot ng diabetes at katabaan. Bawasan ang pagkain ng kanin at palitan ito ng gulay at prutas. Mas healthy ang brown rice at wheat bread, kumpara sa kaning puti.

4. Nakakalimutan maghugas ng kamay – Ang paghugas ng kamay ang pinaka-magandang paraan para makaiwas sa sakit. Maraming sakit ang nakukuha sa maruming kamay tulad ng pagtatae, sore eyes, typhoid fever, tuberculosis, pigsa, at iba pa. Maghugas palagi ng kamay.kung walang tubig at sabon, gumamit ng alcohol.

5. Kulang sa pagsisipilyo – Ang pangkaraniwang Pilipino ay nagsisipilyo lamang ng isa o dalawang beses sa bawat araw. Kulang po ito. Ayon sa pagsusuri, ang bacteria sa ngipin ay nakapagdudulot ng sakit sa puso. Simple lang ang solusyon. Magsipilyo ng tatlong beses sa bawat araw at gumamit din ng dental floss kahit isang beses sa maghapon.

6. Ayaw magpa-checkup – Karamihan ng mga kalalakihan ay takot magpacheck up sa doktor. Kailangan pang pilitin ng mga misis para pumunta sa clinic. Bad habit po iyan. Magpatingin ng maaga para malaman at maagapan ang sakit.

7. Laging nagpupuyat – Kailangang mag-ingat ang mga taong kulang sa tulog at laging gumi-gimmick. Ayon sa pagsusuri, ang mga laging puyat at kulang sa tulog ay mas tumataas ang insidente ng sakit sa puso at kanser. Kung ika’y nagtatrabaho bilang night shift, kailangan ay doble ang iyong pagaalaga sa sarili. Siguraduhing masustansya ang iyong kinakain at sapat ang iyong pahinga.

8. Mahilig mag-yosi at uminom ng alak – Napakaraming sakit ang puwedeng makuha sa paninigarilyo, tulad ng sakit sa baga, kanser, ubo, hika at wrinkles sa mukha. Ang sobrang alak naman ay nakababawas ng ating talino dahil namamatay ang brain cells. Kung gustong humaba ang buhay, iwasan ang mga bisyo.

9. Konting uminom ng tubig – Maraming Pinoy ang mahinang uminom ng tubig. Minsan tatlong baso lang sila kung uminom sa isang araw. Kailangan natin ng anim hanggang 10 baso sa isang araw. Matutulu-ngan ng tubig ang mga sakit tulad ng UTI, sakit sa bato, panghihina, constipation at pangungulubot ng balat.

10. Hindi nagaalmusal – Alam ba ninyo na halos isa sa bawat tatlong Pilipino ang hindi nag-aalmusal? Sa almusal, kumukuha ng lakas ang ating katawan para magtrabaho, magisip at magkaroon ng energy. Ang almusal ang pinakamahalagang pagkain natin sa buong araw. Ang mga batang nag-almusal ay nagiging mas matalino at mas mataas ang grado sa paaralan. Sa mga office workers, mas gaganda rin ang inyong performance sa trabaho.

11. Mahina sa gulay at prutas – Ang rekomendasyon ko ay kumain ng dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas sa bawat araw. Sa ganitong paraan, makukuha mo ang lahat ng kailangang vitamins at minerals. Sa mga bata at sa mga payat na tao, puwede na ang isa at kalahating tasa ng gulay at prutas bawat araw.

12. Puro taba ang kinakain — Iwasan ang mga matatabang pagkain tulad ng lechon, crispy pata, chicharon, lamanloob, at taba ng baboy at baka. Tingnan ninyo. Kung ang mantika nito ay nagiging sebo kapag nalamigan, gaanoon din ang mangyayari sa taba sa loob ng iyong katawan. Kung ayaw mong atakehin sa puso, bawa-san ang pagkain nito.

Dr. Willie T. Ong

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.