German hostage, pupugutan ng Sayyaf!

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - First Page -

PUPUGUTAN na umano ng Abu Sayyaf ang kanilang German hostage kung hindi makakapagbigay ng ransom ang pamahalaan nito sa rebeldeng grupo na konektado sa Islamic State.

Bihag ng Abu Sayyaf mula pa Nobyembre si Jurgen Kantner at nagbigay ito ng hanggang February 26 upang mabayaran ang ransom kapalit ng buhay ng 70-anyos na dayuhan. Dinukot si Kantner habang namamalakaya sa kanyang yate kasama ang asawang si Sabine Merz, 56, ng maharang ng mga armado sa karagatan ng Sabah sa Malaysia ilang milya lamang mula sa Tawi-tawi sa Muslim autonomous region.

Pinatay si Merz at natagpuan ang bangkay nito na walang saplot at hinihinalang ginahasa pa. Isang shotgun rin ang natagpuan sa tabi ng katawan nito, ayon sa pahayag ng Western Mindanao Command. Naunang sinabi ng militar na P500 milyon ransom ang hinihingi ni Abu Sayyaf subleader Muamar Askali matapos itong tumawag sa media sa Zamboanga City upang sabihin bihag nila si Kantner.

Ngunit sa isang video na inilabas ng Abu Sayyaf sa Telegram Messenger ay P30 milyon na lamang ang ransom demand nito at sa naturang clip ay makikita si Kantner na nagmamakaawa sa kanyang pamahalaan upang mailigtas ang sariling buhay.

Noong April 2014, grupo rin ni Askali ang dumukot sa 2 German yachters na sina Stefan Viktor Okonek, 71, at Henrike Diesen, 55, habang naglalayag sa kanilang yate sa Sabah mula Pilipinas. Humingi ang Abu Sayyaf ng P250 milyong ransom kapalit ng mga dayuhan. Pinalaya ang dalawa halos makalipas ng 6 buwan matapos na magbigay ng ransom ang Germany na inihatid pa ng militar diumano sa Sulu.

Bihag pa rin ng Abu Sayyaf ang halos 2 dosenang Malaysian, Indonesian at Vietnamese sailors na kanilang hinila sa Sabah at Basilan province noon nakaraang taon.

Makikita sa larawang ito na ipinasa ng Western Mindanao Command sa Mindanao Examiner regional newspaper ang yate na inatake ng Abu Sayyaf sa karagatan ng Sabah, Malaysia at dinukot si Juegen Kantner, 70; at sinasabing ginahasa at pinatay pa ang kasamang babae na si Sabine Merz, 56.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.