Sunfish, napadpad sa dalampasigan ng Zambo

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News -

ZAMBOANGA CITY – Isang sunfish o Mola-mola ang napadpad dito kamakailan, ngunit kung anu-anong kuro-kuro naman ang bumabalot sa mga residente dahil sa kakulangan ng kaalaman ukol sa naturang isda.

Nagulantang ang mga naninirahan sa tabing pampang ng Barangay Sangali ng tumambad sa kanila ang sunfish na halos isang metro ang lapad, ngunit wala na itong buhay.

Takot naman ang umiral sa mga residente doon sa akalang ang paglutang ng sunfish ay sinyales ng paparating na lindol. Ang iba naman ay ikinakatakot na baka magkaroon ng tsunami.

Kamakailan lamang ay isa rin sunfish ang natagpuan di-kalayuan sa Zamboanga State Polytechnic College sa Zamboanga City at noong 2015 at 2013 rin.

Ngunit ayon sa mga dalubhasa ay karaniwang lumulutang ang mga sunfish upang magpainit, subali’t ang iba ay inaatake ng mga mas malalaking isda o kaya ay naaksidente sa ibabaw ng karagatan kung kaya’t humihina ang mga ito hanggang sa mapadpad sa dalampasigan.

Malimit na iniuugnay ng mga Pilipino sa mga lindol ang paglutang ng mga sunfish dahil sa pagiging ignorante ng karamihan. Lalo pa itong nagdulot ng takot sa publiko ng mapadpad ang 3 sunfish sa dalampasigan ng Butuan City, Agusan del Norte at Misamis Occidental bago niyanig ng malakas na lindol ang Surigao City nitong Pebrero 10.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.