Police ops dapat 'coordinate' sa MILF: Chief PNP

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News - (Mindanao Examiner)

DAVAO CITY – Mistulang binigyan ng “passes” ni Chief PNP Director General Ronald dela Rosa ang mga kriminal na miyembro ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front matapos nitong sabihin sa kanyang commanders sa Mindanao na makipag-coordinate sa MILF kung may huhulihin ang mga itong kasapi nila.

Sa forum kamakailan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, sinabi ni Dela Rosa na hindi baleng bigo ang operasyon nila sa mga kriminal na MILF huwag lang masisi ang pulisya o maiipit ang peace talks ng pamahalaan sa rebeldeng grupo.

“Ibalik 'yong pagsangguni o coordination, bahala na makaapekto sa success ng operation basta hindi tayo masisi sa huli,” ani Dela Rosa.

Ito ay matapos na mag-protesta ang MILF sa pagkakapatay ng pulisya noong Abril 11 sa commander nitong si Mohaimen Abo, na kapatid ni Ghazali Jaafar, ang vice chairman ng rebeldeng grupo. Aarestuhin sana ng pulisya si Abo sa Sultan Kudarat dahil sa patongpatong na kasong ransom kidnappings at mga pagpatay, ng ito ay manlaban.

Posibleng ma-demoralize ang hanay ng pulisya sa kautusan ni Dela Rosa o magbigay ito ng lakas ng loob sa mga kriminal na miyembro ng MILF na gumawa ng karahasan. Mahirap sa pulisya na ipabatid sa MILF ang operasyon kontra mga kriminal na miyembro nito at siguradong ititimbre o itatago ito upang hindi maaresto. Maraming mga miyembro ng MILF ang sangkot sa kriminalidad sa Mindanao.

Ito rin ang naging dahilan kung bakit napatay ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang 44 miyembro ng Special Action Force noon Pebrero 2015 habang nasa misyon na dakpin ang Malaysian bomber na si Zulkifli bin Hir alias Marwan sa loob ng kampo ng MILF sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao province.

Hindi nailigtas ng militar at pulisya ang SAF 44 sa takot na lumaki ang sagupaan at madamay ang peace talks ng pamahalaan. Hanggang ngayon ay hindi kumikilos ang pamahalaan upang dakipin ang sangkot sa masaker ng mga police commandos dahil sa peace talks nito sa MILF.

Lumagda ang MILF at pamahalaan sa isang interim peace deal noon 2014 at ito ang nagbigay daan sa pagbuo ng Ad Hoc Joint Action Group na siyang mekanismo sa koordinasyon ng dalawang grupo.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.