PUJS, trike at motorsiklo sakit sa ulo sa Zambo

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - News -

ZAMBOANGA CITY – Mistulang inutil ang pamahalaang lokal at awtoridad na siyang inatasan na magpairal ng batas trapiko sa Zamboanga City dahil sa talamak na paglabag ng mga pampublikong jeepney sa naturang mga kautusan.

Overloaded ang maraming mga jeep at halos lumambitin na sa istribo ang mga pasahero nito at ang iba ay nakaupo pa sa bubungan na tila hindi alintana ang peligro sa kalsada. Bukod sa mga abusadong tsuper ng jeepney, wala rin disiplina sa kalye ang maraming mga motorcycle drivers at tricycle na palaging nagkacounter-flow.

Tila “ningas cogon” lamang ang operasyon ng Land Transportation Office at Traffic Section ng lokal na pulisya at pamahalaan sa kanilang kampanya kontra motorista na lumalabag sa batastrapiko. Sa kabila ng pasulput-sulpot na operasyon nito ay tila bulag naman ang mga awtoridad sa mga pampasaherong jeepney at iba pa na walang humpay ang paglabag sa batas-trapiko.

Araw-araw na tanawin na rin dito ang mga paglabag sa batas trapiko, subalit sa kabila nito ay dedma lamang dito ang mga awtoridad. Hindi lamang peligro ang dulot nito sa mga pasahero kundi ang tahasang kawalan ng respeto ng mga tsuper sa naturang batas. Naunang idinahilan sa Mindanao Examiner ni LTO regional director Aminola Abaton na kulang sila ng tauhan kung kaya’t hindi maaksyunan ang mga paglabag na ito.

Maging ang City Hall at ang Traffic Section ng pulisya at Highway Patrol Group ay wala rin aksyon sa matagal ng problema sa mga abusadong tsuper at ang walang-katapusang paglabag sa batas ng mga jeepney drivers.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.