North Cotabato mayor, abswelto sa kasong graft!

The Mindanao Examiner Regional Newspaper - - First Page - (Rhoderick Beñez)

KIDAPAWAN CITY – Inabswelto umano ng Sandiganbayan Second Division si dating President Roxas Mayor Lucita Racines sa apat na kasong graft at malversation of funds.

Ito ayon kay Atty. Vicente Andiano, ang legal counsel ni Racines, at sa panayam ng Mindanao Examiner regional newspaper, sinabi nito na ang desisyon ay inilabas ng Sandiganbayan kamakailan lamang na kung saan ay pinawalang sala ang dating punong ehekutibo sa pag gamit nito ng kanyang intelligence fund.

Ang kaso ay isinampa noong 2010 nina Jane Fordan Dayo, Elizabeth Hilado at Noel Mallorca na mga opisyal ng pamahalaang lokal ayon kay Andiano.

Nag-ugat ang nasabing kaso matapos na gamitin ni Racines ang P1 milyon piso mula sa naturang intelligence fund noong 2007, kahit walang ipinasang pondo ang Sangguniang Bayan.

Malinaw naman kasi

sa local government code na 3% ng total funds ng local government ay mapupunta bilang intelligence funds ng mayor. At sinang-ayunan ito ng Sandiganbayan, gayun rin ang mga pahayag ng alkalde na walang kurapsiyon na nangyari at hindi nito kinurakot ang pera mula sa kaban ng bayan.

Giit pa ni Andiano na kulang ang mga ebidensiya na inihain laban kay Racines upang madiin na may anomalya at kurapsiyon sa paggamit ng pondo. “Dito natin makikita na ang pagabswelto sa aking kliyente ay patunay lamang na buhay ang hustisya sa bansa at sa mga taong naagrabyado,” ani Andiano.

Ang mga paratang na ito ang ginamit naman ng mga kalaban sa pulitika ni Racines dahilan para matalo siya sa pagtakbo nito sa nakaraang eleksiyon. Tuwang-tuwa naman ang mga supporters ni Racines sa nasabing desisyon ng korte at ipinagbubunyi rin ito ng iba’t-ibang mga grupo na tiwala sa pulitiko.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.