Balita

Romeo, Guevarra, mga hari ng 3-point at slamdunk

- Angie Oredo

Hindi hinayaan nina Terrence Romeo at kakampi nitong si Rey Guevarra ng Manila West na kumawala sa kanilang mga kamay ang natatangin­g mga titulo bilang 3- point at Slamdunk King matapos muling iuwi ang dalawang korona para sa Pilipinas sa ginanap na 2015 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters sa Robinson’s Place, Manila.

Unang iniuwi ni Romeo ang ikalawang sunod nitong korona bilang 3- point King sa torneo matapos biguin ang apat na nakapagkuw­alipika sa kampeonato habang iningusan ni Guevarra ang nakatapat na si Porter Maberry upang muling kilalanin bilang Slamdunk King.

Inihulog ni Romeo ang kabuuang 11 puntos sa kampeonato tampok ang siyam na puntos at isang money ball upang biguin sina Jasmin Hercegovac ng Team Ljubljana na may 8 puntos, Diftha Pratama ng Team Medan na may 7 puntos at dating PBA import na si Sammy Monroe ng Team Doha na may 4 puntos.

Agad nakapagkuw­alipika si Romeo sa finals matapos manguna sa 10 kataong qualifying round sa inihulog nitong 7 puntos tungo na sa pagdedepen­sa sa kanyang korona. Ito din ang tinanghal na Most Valuable Player ng torneo at ang Top Scorer sa lahat ng mga kalahok.

Nahirapan naman ng husto si Guevarra sa isinagawa nitong tatlong dunk bago tinalo ang kinikilala­ng shortest pro dunker sa buong mundo sa taas nito na 5- foot- 5 na si Porter “What’s Gravity” Maberry sa dikit na iskor na 80- 79 sa side event ng anim na leg na torneo na inoorganis­a ng FIBA at Samahang Basketball ng Pilipinas.

Kinolekta ni Guevarra ang 26 puntos sa unang dunk, 28 sa ikalawa at 26 sa ikatlo para sa kabuuang 80 puntos habang si Maberry ay mayroon naman na 21- 28- 30 para sa kabuuang 79 puntos. Isang attempt ni Maberry ang hindi nito nakumpleto­ng isalpak ang bola na naging dahilan sa hindi inaasahan nitong pagkatalo kay Guevarra.

“Nagulat talaga ako. ‘ Di ko alam na ako nanalo. Akala ko siya dahil siya ‘ yung mataas na score,” sabi ni Guevarra, na agad sumabak para sa Manila West sa slam dunk contest pagkatapos ng laro sa semifinals kontra Manila North.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines