OKAY LANG SI NEGA
IPAGPATULOY natin ang pagtalakay sa paksa tungkol sa mga negatibong tao. Sila ang mga tinatawag nating “Nega” dahil puro negatibo, kapangitan, kamalasan ang kanilang nakikita sa mga bagay o situwasyon. Hindi sila masasamang tao, please lang, kasi si Nega rin naman ako kung minsan.
● Hindi mahina ang puso ni Nega at kaya niyang matulog uli nang mahimbing matapos gisingin ng isang kahindik-hindik na panaginip. Taglay ni Nega ang katapangan upang mamuhay nang regular, huminga ng oxygen at bumubuga ng carbon dioxide nang hindi umaasa na may mangyayaring improvement sa kanyang kapaligiran. Hindi siya umaasa o naniniwala sa mga milagro. Manipis lamang ang pader sa pagitan ng mga isinilang na negatibo at mga depressed. Si Nega, basta makaiiwas sa depression, ay hindi agad-agad na sumusuko. Hindi siya natatakot yumakap sa tagumpay. Sa totoo lang, naghahangad din ng tagumpay ang mga negatibo. Ngunit hindi nangangarap nang gising si Nega tungkol sa tagumpay.
● Hindi makokontrol ng tao ang kahihinatnan ng isang event. Kahit na ang mga positibo ay nananalangin o humihingi ng ekspertong payo sapagkat hindi nila tiyak ang kanilang future. Hindi rin makokontrol ang resulta ng isang sugal, unless na sasadyain ang pagbabago ng mga elemento upang palitawin ang nais na manalo. Ito ang dahilan kung kakaunti lamang sa mga negatibo ang tumataya sa Lotto.
● Mas madalas bumabatikos si Nega kaysa pumupuri. Hindi labag sa Saligang Batas ang bumatikos. Hindi krimen ang pumuna. Makatutulong pa nga ang pagbabatikos para mapabuti ang isang bagay, ang isang hakbang, ang isang desisyon, ang isang plano. Mas magaling bumatikos si Nega kaysa mga positibo sapagkat marami na siyang nakitang kapalpakan.
Hindi ko pino-promote ang mga negatibong tao. Hindi sa ayaw ko ng mga optimista o sa kaligayahan. Ang binibigyang diin ko kang ay bigyan ninyong mga positibo ng pagkakataon ang mga negatibo na manatili kaming masaya sa sarili naming paraan.