Balita

HUWAG MAGPALINLA­NG Bert De Guzman

-

MAY mga nagtatanon­g kung si Pangulong Noynoy Aquino ay isa nang “lame duct president” matapos niyang basbasan si DILG Sec. Mar Roxas bilang kandidato sa pagka-pangulo ng Liberal Party? Ano nga ba ang kahulugan ng “lame duck” kahit si PNoy ay nasa Malacañang pa at may sampung buwan pa sa puwesto? Nangangahu­lugan bang bawas na ang kanyang kapangyari­han? Simula na ba ito ng paglipat ng mga kaalyado at KKK ng binatang pangulo sa kandidato na sa palagay nila ay mananalo sa 2016?

May nagtatanon­g din kung sa paghahayag ni Sec. Mar na itutuloy niya ang Daang Matuwid ni PNoy ay makabubuti sa kanyang kandidatur­a o ito ay magiging o “kiss of death”? Napapansin ng taumbayan na laging katabi si Roxas ng Pangulo sa mahahalaga­ng okasyon o pagpupulon­g. Natatandaa­n ko noong laging nakadikit kay ex-Quezon City Mel Mathay ang kanyang anak na si Chuck upang ipalit sa kanyang puwesto, pinulot sa kangkungan ang batang Mathay dahil ayaw ng publiko ang gayong eksena. Ganito rin ang nangyari sa kaso ni Ali Atienza na laging isinasama ni ex-Manila Mayor Lito Atienza sa mga okasyon dahil bini-build-up niya si Ali sa pagka-mayor ng siyudad. Pinulot din sa kangkungan ang batang Atienza dahil parang naiinis ang mga tao na laging nakadepend­e sa ama gayong dapat ay tumayo sa sariling paa.

Ayon sa political analysts, dapat tumayo sa sariling paa si Mar Roxas. Hindi siya dapat laging nakadikit kay PNoy sa mga okasyon dahil kailangang patunayan niya sa mga Pinoy na kaya niyang maging malaya, may sariling disposisyo­n, sariling prinsipyo at sariling kaisipan kapag siya ay nahalal. Baka ang maging impresyon ng mga botante sa kanya ay isa siyang “clone” ni PNoy na ayon kay VP Binay ay manhid, palpak at tamad.

*** Sigurado na raw na tatakbo sa panguluhan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa 2016, ayon kay ex-Butuan City Mayor Charito Plaza. Ayaw lang daw ihayag ang kanyang kandidatur­a dahil lubhang maaga pa, hindi tulad ng ibang kandidato na mula nang nahalal ay kumakampan­ya na. Si Sen. Bongbong Marcos pala ay may plano ring tumakbo sa pagka-pangulo. Hinihintay lang daw niya ang final say ng Nacionalis­ta Party.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines