KUNG BUKAS PA ANG KAHAPON
(Ika-147 labas)
MABILIS na nagtatrabaho ang utak ni Antonette. Ang lalaking sakay ng kalabaw ay si Emong na si Emong! Maging ang boses nito at maging ang pagbigkas ng bawat kataga ay duplikado ni Emong. At ang kabuuan ng mukha, my Lord!
Nakapaglakbay ba talaga si Emong patungo sa kasalukuyan mula sa napakalayong lumipas?
Ang malaking duda ay ang edad ng lalaking ito. Sa malas ay mas bata pa ito sa kanya. Si Emong, sa panahong nagkatagpo sila ay mas matanda pa sa kanya noon. Higit bang bumata ito sanhi sa paglalakbay mula sa luma nitong panahon?
Ang isa pang hindi maliit na tanong: Kung ito talaga si Emong, bakit hindi man lang ito nagpakita ng kahit maliit na senyales na nakilala siya? Alam niya, nakita nito ang gulat at larawan ng kaligayahan na nagmarka sa mukha siya kaninang unang pagkikita nila.
“E, Miss. . . Ale, saan po ba kayo umuuwi rito? Ang tiyak ko po, hindi kayo tagarito sa lugar namin.”
Noon lang napuna ni Antonette, nakatigil na ang kareta, nakababa na ang lalaki mula sa kanyang kalabaw at nakalapit na sa karetang kinalulunan niya.
“Ay, oo na.” Umibis siya mula sa kareta. “E, hanggang dito ka lang ba, E. . Mister?”
Oho, Ale. . . Miss. Puwede ko naman ho kayong ihatid kung saan kayo umuuwi dito.”
“E, huwag na lang kaya, Mister. Malapit na ho naman dito ang tinutuluyan ko.” Alam na nga niya ang lugar na kinatitigilan nila. Hindi naman kalayuan iyon sa kanyang Lola Andang.
“E, mawalang galang na po, Miss. Saan ho ba talaga kayo umuuwi?” Kumakamot ngayon sa ulo ang lalaki. “Pasensiya na kayo, Miss. Masyado akong naging matabil mula pa kanina. Siguro po, kaya hindi ninyo ako sinasagot dahil ang akala ninyo ay binabastos ko kayo. Pero hindi po talaga.”
My Lord! Marahil, kanina pa nagsasalita ang lalaking ito. Pero dahil napatindi ang kanyang pagiisip , hindi nga niya nasasagot ang lalaki.
“Pasensiya na kayo,” sabi niya. “Marami lang akong naiisip. Paumanhinan ninyo ako.” Naisip niyang gayahin ang medyo napapalalim na pananagalog ng kausap niya. Ganoon pa naman sa maraming dulong nayon sa ating bansa.
“E, pinapayagan po ba ninyo akong ihatid kayo kung hindi magiging malaking kaabalahan sa inyo?”
“E, sige po! Mang ano nga po ang itatawag ko sa inyo?” “Si Guiller po ako,” “Guiller? Guillermo ang buong pangalan ninyo?” “Ho? Paano ninyo nalaman?” Gusto niyang itanong: Emong ba ang palayaw mo? Ang sinabi niya: “Kasi naman, Mister. . . lahat ng lalaking nakilala ko na may nickname na Guiller ay Guillermo ang pangalan.”
“E, kayo po, Miss... ano ang itatawag ko sa inyo?”
“Ako naman, Mister, ay. . . si Antonette.”
Hindi nakita ni Antonette ang inaasahan niyang gulat sa mukha ni Guiller. Nakalimutan na ba nito ang pangalan niya?
“Teka lang, Guiller. . .” Ewan kung bakit inalis niya ang paggalang. “Sa mga kaibigan mo dito sa lugar ninyo. . . wala bang tumatawag sa iyo ng Emong?”
Mabilis ang sagot: “Wala naman.” Tawa. “Hindi ba pang matanda naman ‘yon?”
Itutuloy