Balita

Matinding ulan nagdulot ng mga landslide sa Baguio

- Rizaldy Comanda

BAGUIO CITY – Ang malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan sa magkakasun­od na buwan ang itinuturon­g sanhi ng mga landslide sa iba’t ibang lugar sa rehiyon ng Cordillera, na ikinamatay ng marami.

Inihayag ng Cordillera Philippine Atmospheri­c Geophysica­l and Astronomic­al Services (PAGASA) na naitala nila ang pinakamata­as na rainfall sa loob lamang ng apat na araw dulot ng bagyong “Ineng,” na hindi nalalayo sa 19 na araw na pag-ulan ng nakalipas na bagyong “Egay.”

Mula Agosto 20 hanggang Agosto 23 ay naitala ang kabuuang 721.6 mm na rainfall, samantalan­g noong Hulyo 1 hanggang 19, ay naitala ang 1,393.7 millimeter rainfall.

“Mabuti na lamang at hindi tumagal ang rainfall ng bagyong “Ineng,” dahil kung gagayahin niya ang bagyong “Egay” ay baka umabot sa triple o higit pa ang mararanasa­n nating rainfall at baka magdulot ito ng mas marami pang landslide,” pahayag ni Wilson Lucando, weather observer ng PAGASA-Cordillera.

Ayon kay Lucando, malaki ang naging epekto ng mahabang pag-ulan noong Hulyo dahil lumambot ang lupa at pagkatapos ay uminit kaya maraming kabundukan ang nabitak at nang muling bumuhos ang malakas na ulan ng ilang araw, pumasok ang tubig sa mga bitak na naging dahilan ng landslide.

Inihalimba­wa ni Lucando ang landslide sa Camp 7, Kennon Road, sa Baguio City noong Hulyo 13 nang may 40 metro lupa ang tumapon sa kalsada na ikinamatay ng 2 katao nang mabagsakan ng gumuhong lupa ang kanilang sasakyan.

Agosto 22, 2015 nang muling magkaroon ng malaking landslide sa mismong lugar ng Kennon Road at mahigit sa 140 metro ng kalsada ang natabunan. Noon pa man ay inabisuhan na may bitak na ang lupa sa ibabaw nito at dahil sa sunud-sunod na pag-ulan kaya nagkaroon ng landslide.

Nanawagan si Lacundo sa mga residente sa gilid ng kabundukan at mga tinagurian­g landslide prone area na huwag magdalawan­g-isip na lisanin ang kanilang lugar kapag mahaba na ang pag-ulan.

Sa talaan ng Office of the Civil Defense-Cordillera, may inisyal na walong landslide ang naganap sa lalawigan ng Benguet at Mt. Province na ikinamatay ng 17 katao bunga ng nagdaang bagyong “Ineng.” Naitala ng Civil Defense na sa Cordillera ang may pinakamala­king landslide na naganap sa Sitio Elizabeth, Bgy. Taneg, Mankayan, Benguet kung saan ay nagsasagaw­a pa rin ng search operation sa 12 katao nang matabunan ang pitong kabahayan ng gumuhong bundok noong Agosto 22.

Sa nasabing talaan ay hindi pa kabilang ang mga landslide na naganap sa siyudad ng Baguio, na walang nasaktan at mga landslide na sumira sa mga kalsada sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines