Balita

Liham ni Esperanza

- R.V. VILLANUEVA

(Ika-70 labas)

“ANAK,

anong gusto n’yong ulam sa tanghalian?” tanong ni Aling Huling. “Sabihin n’yo na para mabili ko agad at maluto nang maaga. Alam n’yo naman, may edad na ako at mahina nang kumilos.”

“Bumili ho kayo ng pating para makatikim ako ng kinunot,” sagot ni Gondoy. “Matagal ko nang hindi natitikman ang paborito kong ulam.”

“Sige anak, pupunta ako sa palengke at bibili ng pating. Kaya lang bihira na ang mangingisd­ang nanghuhuli ng ganitong isda kaya dapat maaga ako.” “Inay, ito pa ho ang limang daang piso. Bilhin n’yo na rin ang iba pa nating kailangan dito sa bahay.” “Sige, anak. Mabuti na ‘yung isang punta na lang sa palengke para makatipid sa pagod. Nagkakaeda­d na kasi ako, kaya hindi na tulad ng dati ang lakas at resistensi­ya.”

Dahil wala namang matatambay­an sa kinaroroon­ang probinsiya, namalagi sa bahay sina Gondoy, Betong at Mundoy. Nang makabalik naman mula sa palengke ay agad na sinimulan ni Aling Huling ang pagluluto ng pagkain para sa tanghalian.

At sa pagnanais ni Gondoy na mapabilis ang pagluluto, tumulong na siya sa ina. Kumuha rin siya ng siling labuyo sa likod-bahay para isahog sa lulutuing ulam. Dahil bihirang makakain ng kinunot na pating, nasarapan nang husto sina Betong at Mundoy kaya nabusog din ang dalawa.

Matapos ang tanghalian, inasikaso naman ni Gondoy ang kanilang sasakyan para ikondisyon sa pagbiyahe pabalik sa Metro Manila. Hindi na niya kailangang dalhin sa talyer ang sasakyan dahil kapag walang mapagkakit­aang ilegal sa Metro Manila ay suma-sideline siya sa talyer ng isang matalik na kaibigan.

Pagkatapos ng hapunan, nagpaalam si Gondoy kay Aling Huling na pupunta sila sa nagiisang beerhouse sa kanilang bayan para maglibang. Gayunman, hindi sa beerhouse pumunta ang tatlo, bumiyahe sila papunta sa San Felipe para nakawin ang rebulto ni Esperanza.

Nasiyahan sina Derrick, Kenneth at John nang tumigil sa tapat ng ancestral house ang sasakyan nina Gondoy, Betong at Mundoy. Dahil sa text message, agad nilang nalaman ang pagdating ng pick-up, at ipinaalam na rin ang plano ng mga itong pagpunta sa bahay ni Mang Damian para isagawa ang pagkuha sa rebulto.

“Ingat kayo,” sagot ni Derrick. “Hindi dapat magkaroon ng aberya ang inyong lakad, para hindi masangkot ang pamilya namin sa gusot.”

“Huwag kang mag-alala, bossing,” sagot ni Gondoy. “Simpleng krimen lang ito kaya magagawa namin nang malinis at walang sabit.”

“Gano’n talaga ang dapat mangyari, Gondoy,” sagot ni Derrick. “Hindi dapat kami masangkot sa gagawin n’yo, dahil malaking eskandalo ito sa aming pamilya.”

“Relax ka lang, bossing,” si Gondoy. “Mamayang hatinggabi, nasa ancestral house n’yo na ang rebultong mahigit isandaang taong nawalay sa inyong angkan.”

“Salamat,” napangiti si Derrick. “Huwag kayong mag-alala, nakahanda na ang pinag-usapan nating halaga sa inyong trabaho.”

“Dapat lang bossing, dahil utos ni tsip, bumalik agad kami sa Metro Manila matapos ang trabaho,” sabi ni Gondoy. “Alam n’yo naman ang utos niya, parang utos ng hari, hindi dapat mabali.”

“Alam ko, kaya gawin n’yo na ang inyong trabaho. Sabik na sabik na kaming makitang naka-display dito sa ancestral house ang rebulto ni Esperanza,” ani Derrick. Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines