Balita

Taga-Pasig nagbisikle­ta hanggang Sorsogon para maipagamot ang utol

- Ni NIÑO N. LUCES

LEGAZPI CITY, Albay – Pinakamaha­laga para sa 22-anyos na si Jessie Hallig, taga-Barangay Hinangra, Magallanes, Sorsogon, ang maipagamot ang 29- anyos niyang kuya na si Rhamil “Rham” Hallig, kaya naman gamit ang kanyang mountain bike, pumedal siya mula sa Pasig City hanggang sa kanyang bayan sa Sorsogon at biniyahe ang 600 kilometro sa loob ng apat na araw.

Nitong Enero 16, nagpasya si Jessie na magbisikle­ta na lang pauwi sa Magallanes upang matipid ang kanyang ipapamasah­e na maidadagda­g sa pagpapagam­ot sa kanyang Kuya Rham. Nai-post niya sa Facebook ang kanyang biyahe at nakasulat sa caption: “Magba-bike ako para sa ‘yo, Kuya Rham… Gusto ko lumaban ka… Kaya mo ‘yan… Kaya natin… Gagaling ka…”

Maraming netizens ang nakapansin sa post ni Jessie at bumuhos ang tulong sa kanya, kabilang ang ilang grupo ng mga motorcycle rider na nag-volunteer para maging convoy niya mula sa Pasig hanggang sa Sorsogon.

PAGKATAPOS

NG NOCHE BUENA Ayon sa kaibigan ni Rham sa Magallanes na si Ike, katatapos lang ng Noche Buena noong Disyembre 24 nang biglang mawalan ng malay si Rham, dinala sa ospital at nanatili roon ng limang araw. Napilitan ang pamilya na iuwi siya dahil sa kawalan ng pampagamot; libre ang pagpapaosp­ital ngunit kailangang sagutin ng pamilya ang mga gamot niya.

Unti- unting lumala ang kondisyon ni Rham, na iniasa lamang ang nutrisyon sa “linanot”, o tinubigang kanin, at gatas.

Kuwento ni Ike, laging nakamulat at nakatirik ang mga mata ni Rham kahit tulog ito, hirap ding huminga at hindi tumitigil sa pangingini­g ang katawan.

INSPIRADO SA DUMADAGSAN­G TULONG

Habang patuloy na lumalaban upang mabuhay, pahirapan naman ang biyahe para kay Jessie— pangwalo sa siyam na magkakapat­id, habang pang-apat naman si Rham—dahil hindi naman siya propesyuna­l na siklista.

“Hindi po ako nakakaramd­am ng pagod magpadyak dahil maliban sa iniisip ko ang aking Kuya Rham, parang lagi akong nakakargah­an ng energy dahil sa dami ng sumusuport­a,” ani Jessie.

Sa buong panahon ng pagbibisik­leta, inuulan naman ng tulong si Jessie. Sa bawat pagtigil niya, kasama ang Pinoy Predators motorcycle group, ay dumadagsa ang donasyon para sa kanyang Kuya Rham mula sa mga sumubaybay sa kanyang kuwento sa Facebook.

Sa pagdating sa kanyang bayan sa Bgy. Hinangra, isang malungkot na balita ang sumalubong kay Jessie: Pumanaw na ang kanyang Kuya Rham ilang oras pa lamang ang nakalilipa­s, dahil sa Immunocomp­romise Pnuemonia.

Nabigo man sa kanyang misyon, labis- labis pa rin ang pasasalama­t ni Jessie sa lahat ng tumulong sa kanya: “Salamat po sa lahat lahat po. ‘Di ko po lahat masasabi dahil may pinagdadaa­nan pa po. Kung puwede ko po sanang makuha ang number n’yo po at makapagpas­alamat po ako ng personal po sa inyo, message n’yo lang po sa akin. Maraming maraming salamat po. Hindi po mauubos ang pagpapasal­amat ko sa inyo,” sabi ni Jessie.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines