Balita

27 armado, kinasuhan na

- Ali G. Macabalang

MARAWI CITY – Kinasuhan na ng mga awtoridad ang 27 armadong lalaki na naaresto kamakailan sa isang military road checkpoint sa Marawi City makaraang masamsaman ng matataas na kalibre ng baril.

Sinabi ni Col. Joselito Pastrana, commander ng 65th Infantry Battalion ng Philippine Army, na inaresto ng kanyang mga tauhan ang 27 suspek na sakay sa apat na sasakyan matapos makumpiska­han ng matataas na kalibre ng baril sa hangganan ng mga barangay ng Matampay at Mipaga sa siyudad nitong Enero 17.

Kabilang ang isang 16-anyos na lalaki sa armadong grupo, na ang pinunong si Alim Abdulaziz Aminodin ay umaming field leader ng Moro National Liberation Front (MNLF), ayon kay Pastrana.

Kinasuhan ng illegal possession of firearms ang mga suspek na nasamsaman ng matataas na kalibre ng baril, kabilang ang isang M-60 machine gun, isang Barrett rifle, isang M14 rifle, isang M1 Garand rifle, isang M16 Bushmaster at ilang pistol, sinabi ni Pastrana.

Ayon kay Pastrana, inamin ni Aminodin na tinipon nito ang mga tauhan para bumiyahe patungong Lanao del Norte upang bawiin ang kanyang anak na babae, na dinukot umano ng isang rebel commander sa nabanggit na lalawigan.

Sinabi naman ni Brig. Gen. Roseller Murillo, commander ng 103rd Brigade, na kinukumpir­ma pa ng Army ang pagkakakil­anlan ng mga armado upang matukoy kung totoong mga miyembro ng MNLF ang mga ito, o kung may kaugnayan sa mga grupong terorista, gaya ng Maute.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines