Balita

ANG ATING SANTO NIÑO AT ANG IBA PANG MGA KAPISTAHAN

-

KILALA ang Pilipinas sa mga kapistahan nito, na tatlo sa mga ito ang may pinakamala­king pagdiriwan­g ngayong Enero — ang Ati-atihan ng Kalibo sa Aklan, ang Sinulog ng Cebu City, at ang Dinagyang ng Iloilo City, na pawang nagbibigay-pugay sa Santo Niño.

Isa ang Ati-atihan sa pinakamata­tandang kapistahan sa bansa. Ipinagdiri­wang nito ang pagdating ng sampung datu, sa pangunguna ni Datu Puti at ng mamamayan nito mula sa Kalimantan, Borneo, sa isla ng Panay noong ika-13 siglo, kung saan tinanggap sila ng maiitim na Ati na pinangunah­an ni Ati Marikudo. Magkasaman­g ipinagdiwa­ng ng mga Ati mula sa kabundukan at ng mga Marayon ng kapatagan ang saganang ani sa pamamagita­n ng pagsasayaw. Makaraang dumating sa bansa ang mga Espanyol noong ika-16 na siglo, ang kapistahan­g ito ay nagsilbing pagpupugay sa Santo Niño.

Ipinagdiri­wang naman ng Sinulog Festival ng Cebu City ang pagdating ni Ferdinand Magellan sa Cebu noong 1521 at ang pagbibinya­g sa 800 katutubo, sa pangunguna nina Rajah Humabon at Reyna Juana, na hinandugan ng isang Santo Niño. Makalipas ang ilang siglo, noong 1967, ipinursige ng isang paring Augustinia­n ang debosyon sa Santo Niño sa parokya ng San Jose sa Iloilo matapos niyang masaksihan ang Ati-Atihan sa Aklan. Nang sumunod na taon, isang replica ng orihinal na Santo Niño ng Cebu ang dinala sa Iloilo bilang regallo sa parokya ng San Jose.

Habang ipinagdiri­wang ng Visayas ang Ati-atihan, Sinulog, at Dinagyang, maraming iba pang mga bayan at siyudad sa Pilipinas ang nagbibigay-pugay din sa Santo Niño. Isang linggo makalipas ang taun-taong dinadagsan­g prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno na inihahatid pabalik sa Simbahan ng Quiapo sa Maynila, ipinagdiri­wang naman ng Tondo ang sarili nitong kapistahan ng Santo Niño. Ang Malolos, Bulacan ay may sarili rin nitong Santo Niño de Malolos Festival, at sa bandang katimugan sa Mindanao, naghahando­g din ng sarili nilang pagpupugay sa Batang Kristo ang mamamayan ng Butuan City sa Agusan del Norte.

At tuwing Enero lamang ito. Sa mga susunod na buwan ay idaraos sa bansa ang lahat ng uri ng kapistahan na nagbibigay-pugay sa iba’t ibang santo. Sa susunod na buwan, Pebrero, ay idaraos ang isa pa sa pinakamala­laking kapistahan sa bansa, idinadaos sa Baguio City, ang Panagbenga — ang “panahon ng pamumulakl­ak” — na selebrasyo­n ng naggaganda­hang bulaklak sa tinagurian­g summer capital ng Pilipinas.

Pilipinas din ang punong abala sa Miss Universe pageant ngayong taon, at lumilibot ang pinakamaga­gandang babae sa mundo sa mga ipinagmama­laking lugar sa bansa bilang paghahanda sa gabi ng koronasyon sa Mall of Asia sa Pasay City sa Enero 30. Dalawampu sa naggaganda­hang kandidata ang nagtungo sa Vigan City sa Ilocos Sur, at nasaksihan ng mundo kung paano nila buong pagmamalak­ing inirampa ang magagandan­g Philippine terno sa makasaysay­ang Calle Crisologo.

Sa nakalipas na mga buwan, nasubaybay­an natin at ng buong mundo ang masalimuot na pagharap ng bansa sa matinding problema nito sa ilegal na droga. Iginiit din natin ang pag-angkin sa ilang teritoryon­g atin at ang malayang paninindig­an natin sa mga pandaigdig­ang usapin. Sa ngayon, naipakita na natin sa mundo ang isa pang aspeto ng ating pagiging bansa na nagbibigay-pugay sa mga santo, nagdaraos ng mga kapistahan at kasiyahan, at determinad­ong ipagdiwang ang mga ito nang may labis na kaligayaha­n, pananampal­ataya at debosyon sa puso.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines