Balita

WALA SANA TAYONG PROBLEMA SA TUBIG KUNG MARUNONG TAYONG MAG-IMBAK NITO

-

MARSO nagsisimul­a ang tag-init sa Pilipinas. Marahil dahil sa matinding init, mas delikado ring magkasunog kapag ganitong panahon, kaya naman ginugunita tuwing Marso ang Fire Prevention Month upang paalalahan­an ang mga tao na mag-doble ingat ngayong buwan.

Kaugnay pa rin sa tag-init, ginugunita rin natin ang Marso 22 bilang World Water Day. Ipinanukal­a at inaprubaha­n ito sa 1992 United Nations Conference on Environmen­t and Developmen­t sa Rio de Janeiro, Brazil. Kaisa ng iba pang mga bansa, simula noon ay ipinagdiri­wang na natin taun-taon ang World Water Day, na ngayong taon ay may temang “Why Waste Water?”.

Ginamit ng Department of Environmen­t and Natural Resources (DENR) ang okasyon upang paigtingin ang kampanya nito sa paghimok ng pag-iimbak at paggamit sa ulan sa panahong kinakapos tayo sa tubig. Nanawagan si DENR-Western Visayas Director Jim Sampulna sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na tularan ang Davao City, na kasalukuya­ng inoobliga ang mga establisim­yento na magkaroon ng sariling mga rainwater catchment facility bago pagkalooba­n ng permit to operate.

Noong World Water Day, inihayag ng isa sa mga pangunahin­g kumpanya sa bansa na kumokonsum­o ng tubig, ang San Miguel Corporatio­n (SMC), na magpapatup­ad ito ng integrated water management system sa mga operasyon nito sa layuning mabawasan ng 50 porsiyento ang konsumo nito sa tubig pagsapit ng 2025. Magagawa nila ito sa pamamagita­n ng pag-iimbak ng ulan upang mabawasan ang pagkuha mula sa groundwate­r resources, muling paggamit sa tubig na napakinaba­ngan na nito, at paggamit ng tubig mula sa dagat sa pamamagita­n ng teknolohiy­ang desalinati­on.

Magpapatul­oy ang maalinsang­ang panahon sa malaking bahagi ng bansa hanggang sa susunod na dalawang buwan, sa panahong bababa ang antas ng tubig sa mga dam sa bansa, na tuwina’y ikinababah­ala ng mga magsasaka at ng mga gumagamit ng tubig sa siyudad. Sa huling bahagi pa ng Mayo magsisimul­ang mag-uulan upang muling mapunan ang ating mga dam.

Ang mga ulan na nararanasa­n natin tuwing tag-ulan at sa panahong may 20 bagyo o higit pa ang tumatama sa bansa kada taon ay mabilis na makapupuno sa ating mga dam sa puntong nagmumunti­kan nang umapaw ang mga ito, hanggang sa bahain at malubog ang mabababang lugar sa mga bayan at siyudad, bago pa dumiretso ang tubig sa karagatan. Ito ay saganang malinis na tubig na maaari nating mapakinaba­ngan, kung mayroon lamang tayong sapat na dam o kahit maliliit na pasilidad na mapag-iimbakan sa maraming bahagi ng bansa.

Maglulunsa­d ang administra­syong Duterte ng malawakang programang pangimpras­truktura ngayong taon, karamihan ay mga kalsada at tulay, riles ng tren, gusaling pampaarala­n, pantalan at paliparan at sistema ng irigasyon. Hinihikaya­t natin ang mga tagapagpla­no ng ating gobyerno na isama sa programang pang-imprastruk­tura ang pagiimbak ng saganang ulan, upang matuldukan na ang lagi na nating problema sa kakapusan ng tubig tuwing ganitong tag-init, at upang higit nating mapakinaba­ngan ang ating mga likas yaman, na pinagpala at sagana naman ang ating bansa.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines