Balita

Mag-Asawa'y 'Di Biro'

- R.V. VILLANUEVA

Ika-70 labas

TUMAGAL ang kanilang pagkain. Kahit tamilmil si Deth, kahit paano’y nabusog din siya. Alaga kasi ni Ruding. Kung si Efren na ba ang Ruding na ito.

Nang makakain, tinangka niyang kunwari ay dumakot sa bulsa ng suot niyang shorts na maong na mahimulmol ang mga laylayan. Maagap na hinawakan ni Ruding ang kamay niya. “Bayad na..”

“Sabi ko’y ako ang …” Alam mong bayad na. Kunwari ka pa kahit na hindi siya umastang magbabayad, alam naman niyang bayad na. At bakit parang hindi siya nangingila­g sa pahawak-hawak ni Ruding sa kanyang kamay? Hindi naman ito ang first time na nahahawaka­n siya sa kamay ng lalaking ito pero noon, kahit paano, kahit mahinang palag, nagpapakit­a siya. Pero noon nga ‘yon.

Ibig mo lang bang gumanti sa ginagawa sa iyo ni Efren? Hindi… hindi! Parang ama na niya ang Ruding na ito, di ba?

Hindi naman gaanong nagtagal, pagkakain ng tanghalian, nagsimula na naman ang bingo. Muli, binigyan siya ng puhunan ni Ruding. Nagkunwari­ng tatangwgi pero huwag mo nang tanggihan ang suwerte. Isosoli mo naman ang puhunan, di ba?

“Binola… binola, ang tamb’yolang walang pahinga! Ay sikreto ng mga dyowa, nakakahiya kung tanghaling tapat,,, baligtaran!” “Ano ‘yon?” “Dalawa lang naman ang baligtaran, di ba?”

“A, sais at nuebe… sesenta’y nueb. Letrang O.”

“Ayoko na yata, Ruding,” bulong ni Deth. “Andami na ng natatalo sa’kin.”

“Pa’no ka makakabawi kung aayaw ka?”

“Pero pera mo ang natatalo, Ruding.”

“Wala ‘yon, Deth. Di ba nasabi ko na sa’yo, malaki ang pasen’yo ko? Bukod do’n, sa panahon ko sa serbisyo, nakapagtip­on na ‘ko.”

Magaganda na rin ang buhay ng mga anak ko. Saan ko pa dadalhin ang pera ko sa edad kong ito. Ilang beses na ba niyang narinig kay Ruding ang mga ganoong pananalita?

“Pera ko naman, Ruding… ang itataya ko.” Ibig niyang pagsisihan kung bakit niya nasabi ‘yon. Paano kung pumayag si Ruding at matalo ang nasa bulsa niyang kay Ruding din naman nanggaling kaninang bago mananghali­an.

Hindi kumibo si Ruding pero hindi ito pumayag na hindi niya kunin ang ibinibigay pang puhunan ng lalaki.

Pero talaga yatang hindi nila araw noon. Pareho sila ni Ruding. Parehong talo. Pero magkabalig­taran ang nakikita sa kanilang mga mukha. Masaya si Ruding. Masaya talaga. Siya, bukod sa malungkot… madilim ang kanyang mukha. Sing dilim ng langit bukod sa walang bituin ay may nagbabanta pang numero tres na bagyo.

Kanina’y ini-announce ni Nana Senyang pansamanta­la, wala silang overtime. Ibig sabihin, titigil sila dakong alas singko ng hapon.

“Isang bolahan na lang,” malakas na sabi ni Nana Senyang. “At punuan kaya medyo malaki ang tayaan. Bente pesos isang karton. “

“Ayoko na,” sabi ni Deth na hindi naman malakas. O sapat lang para rinig ni Ruding. “Lima itong karton ko. Ibig sabihin, ‘sandaang piso.”

“No problem,” sabi ni Ruding. Buhat sa wallet nito, naglabas ng one thousand bill. Palihim na inabot nito sa kanya ang pera na hindi na niya tinanggiha­n. Paano kung may makahalata pa? Wala nga kaya? Matindi ang dalangin niya: “Sana po, Lord… ako naman sa pagkakatao­ng ito.” Sana nga, libo ang magiging kabig ko.

“Bola-bola…karambola! Magagaling sa espadan dose pares na gerelyera no’ng panahon ng lumang giyera, letrang I… bente kuwatro!”

Pagkaraan ng mahaba-habang tundusan, dalawang karton ni Deth ang namumuro. Itutuloy…

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines