Balita

Noynoy, naalala ang pagkamatay ni Ninoy sa kaso ni Kian

- Martin A. Sadongdong

Pinangunah­an ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang paggunita sa ika-34 na anibersayo ng pagkamatay ng kanyang amang si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., sa Manila Memorial Park sa Sucat, Parañaque City kahapon at muling pinasaring­an ang war on drugs ng administra­syong Duterte.

Sa harap ng daan-daang nagtipong pamilya, mga kabigan at miyembro ng Liberal Party at tagasuport­a, partikular na binatikos ni Noynoy ang pagkamatay ng 17-anyos na senior high school student na si Kian Delos Santos sa kamay ng mga pulis sa Caloocan City.

Ginunita ni Noynoy ang hinagpis ni Lorenza Delos Santos, ina ni Kian, na umuwi para ilibing ang anak, na inihalintu­lad niya sa pagpatay sa kanyang ama noong Agosto 21, 1983.

“Masakit lang kako kahit 34 years na tapos baka bumalik yung tatay mo, makita kayo, hindi tapos ‘di ba? Parang hindi malinaw eh, parang ‘yon pa rin ba ang pinoproble­ma natin?” anang Aquino, na ang tinutukoy ay ang walang katapusang isyu ng demokrasya.

“Ano bang makikita ng tatay ko? Binabasa ko po ‘yung storya ni Kian Delos Santos sa mga dyaryo na nakikita ko, sa CCTV doon nakita ang pangyayari. Nabasa ko lang ho ‘yung pahayag ng nanay, isang OFW. Sabi niya, hindi ko alam kung tama talaga ako sa nabasa ko, wala raw dapat magulang na maglilibin­g sa sarili niyang anak,” dugtong niya.

Inihalintu­lad ito ni Aquino sa sitwasyon nang barilin ang kanyang ama sa tarmac ng noo’y Manila Internatio­nal Airport at kung paano naghinagpi­s ang kanyang lola na si Aurora Lampa Aquino, sa pagkamatay ng kanyang anak.

“Noong araw pong iyon siyempre nasa airport siya sasalubung­in niya yung anak niya, ganadong-ganado siya makita, matagal tagal niya pong ‘di nakita. Tapos nandoon na po siya sa grounds sa airport kung saan binalita sa kanyang napaslang nga ang aking ama.”

Kaugnay nito, nanawagan ang dating pangulo kay Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng malalim at mabilis na imbestigas­yon sa pagkamatay ni Delos Santos.

“Ngayon ang importante sa imbestigas­yon ay ‘wag naman umabot ng pagkatagal-tagal. ‘Yung matagal na imbestigas­yon imbes na nagpapalin­aw, eh nagpapalab­o,” anang Noynoy.

Si Delos Santos ay binaril at napatay ng mga pulis sa isang antiillega­l drug operation sa Caloocan City nitong nakaraang linggo.

Isang misa ang idinaos ni Caloocan bishop Amboo David para sa death anniversar­y ni Ninoy na dinaluhan ng magkakapat­id na Aquino – sina Noynoy, Ballsy, Pinky, Viel at Kris.

Dumalo rin sa misa sa puntod ni Ninoy sina Vice President Leni Robredo, dating LP standard bearer at Department of Interior and Local Government secretary Mar Roxas, Senate minority leader Franklin Drilon, Senador Bam Aquino, Sen. Antonio Trillanes, at dating Manila mayor Alfredo Lim, at iba pa.

Pinasalama­tan din ni Noynoy si Duterte sa taos-pusong mensahe nito para sa kanyang ama at pinayuhan itong basahin ang kanyang mensahe at pagnilayan.

Sinabi ni Duterte na si Ninoy “fought for what is right and just” sa kabuuan ng karera nito.

“Even at a time when hope was lost, he remained steadfast in his struggle to restore democracy through non-violent means,” anang Duterte.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines