Mag-iimbestiga sa pulis at militar, dadaan muna kay Duterte –DILG
Kailangan munang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng imbestigasyon at pagsusumite ng mga kaukulang dokumento kaugnay sa sinasabing paglabag sa karapatang pantao ng mga pulis at militar.
Ito ang ibinunyag ni Department of Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Catalino Cuy pagkatapos ng pagdiriwang ng ika51 anibersaryo ng National Police Commission (NAPOLCOM) kahapon.
Sinabi ni Cuy na nilinaw ito ng Pangulo at inatasan silang sundin ang kanyang mga tagubilin.
Kasabay ng direktibang ito, kinumpirma ni Cuy na pinagbawalan ni Duterte ang Philippine National Police (PNP) na magbigay ng case folders sa Commission on Human Rights (CHR) nang walang pahintulot niya.
Ayon kay Cuy, kailangan munang dumaan ng CHR sa butas ng karayom at walang katiyakan na ibibigay sa komisyon ang folder ng ilang kaso.
Gayunman, mayroon pa namang magagawa ang CHR ayon kay Cuy – ito ay ang humingi ng clearance mula sa Pangulo.
“So all of these things we have to clear with the President...Depende kung papayag si Presidente but as I said it is a standing instruction,” aniya.
Ayon kay Cuy, inilabas ng Pangulo ang kautusan sa isang press conference matapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo at muli itong ipinaalala sa kanilang pagpupulong sa Malacañang nitong Agosto.
Sinabi ni Cuy na alam na ni CHR chairperson Chito Gascon ang kanilang posisyon.
“During our meeting with CHR, we told them ‘yung standing instruction ni Presidente. I hope maintindihan nila ‘yung position namin,” aniya.
Sa kabila ng kautusan ng Pangulo, tiniyak ni Cuy sa CHR na tutulong sa kanilang imbestigasyon ang DILG.
“We can help, we will find other ways to help CHR in their effort,” aniya.