Truck helper dedo sa away-trapiko
Patay ang isang lalaki nang barilin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa away-trapiko sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon.
Naoperahan pa ngunit nasawi rin si Jayron Mariñas, 19, truck helper sa RIL Trucking, ng 217 Block 3, Kadima Letre, Tonsuya, Malabon City. Siya ay nagtamo ng bala sa ulo.
Samantala, inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na tumakas sakay sa hindi naplakahang Suzuki Skydrive.
Sa naantalang ulat ni SPO1 Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District- Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), naganap ang pamamaril sa Velasquez Street, malapit sa kanto ng Dayao St., Tondo, bandang 6:30 ng umaga nitong Linggo.
Bago ang insidente ay nagkayayaan ang biktima at ang ‘di pinangalanan niyang kasamahan sa trabaho na kumain sa isang karinderya na ‘di kalayuan sa tanggapan ng RIL Trucking na matatagpuan sa 2170 Velasquez St., Tondo.
Magkaangkas ang dalawa sa motorsiklo at patungo na sa karinderya nang masagi ng motorsiklo ng suspek ang kanilang side mirror.
Nagkainitan at nag-away umano ang dalawa na napayapa lamang nang humingi ng paumanhin si Mariñas sa suspek.
Nagdesisyon ang biktima at ang kanyang kasamahan nito na bumalik na lamang sa trabaho, ngunit lingid sa kanila na sinundan sila ng suspek at pinaulanan ng bala.
Dahil dito, sumemplang si Mariñas at ang kanyang kasama.
Agad umanongtumayo ang kasamahan ng biktima at sumakay sa motorsiklo at humarurot palayo at iniwan ang biktima sa lugar.
Sinamantala naman ng suspek ang pagkakataon para lapitan si Mariñas at binaril sa ulo bago tumakas.