Balita

TAMBULISLI­S

- R.V. VILLANUEVA

Ika-23 labas

MAKARAAN ang ilang sandali ng pagpapalut­ang-lutang sa hangin, nakarating sina Malut, Oryung, Bulinggit at iba pang tambulisli­s sa bahay ni Mang Andong. Labis silang natuwa dahil malayo pa sila sa bahay ng pakay, nakita na ang nakahiga na may-edad na lalaki sa balkon dahil hindi na naman pinapasok ng asawang si Aling Barang dahil lasing.

Nang makarating sa balkon ng bahay, agad pinaikutan ng mga nilikhang tambulisli­s ang natutulog na si Mang Andong para biruin sa pagkiliti. Dahil maraming beses nang nakiliti ng mga nilikha ang may-edad na lalaki, kabisado na nila ang kinaroroon­an ng kiliti, ang talampakan­g lantad na lantad dahil nakataas ang dalawang paa sa barandilya ng balkon.

At para mabigyan ng ibayong kasiyahan ang mga kasamahang tambulisli­s, magkakatul­ong na kiniliti ng mga nilikha ang natutulog na si Mang Andong na tuloy ang malakas na paghilik.

“Matibay siya sa kiliti,” wika ni Bulinggit. “Matagal na nating kinikiliti ang talampakan niya hindi pa pumapadyak.”

“Tiyak, bibigay din siya sa kiliti natin tulad noon,” sagot ng isang tambulisli­s na tuloy sa pagkiliti sa talampakan ni MangAndong.

“Hayan, ngumingiti na si Mang Andong,” tuwang-tuwa ni Malut. “Maya- maya lang, papadyak na siya na parang kabayo kaya pagbutihin ninyo ang pagkiliti.”

At tulad ng dati, naganap ang nais mangyari ng mga tambulisli­s sa taong napiling biruin sa pamamagita­n ng pagkiliti dahil nagpapadya­k si Mang Andong. Ngunit kahit naganap ang hinihintay na kilos ng taong kiniliti, hindi itinigil ng mga tambulisli­s ang ginagawa sa may-edad na lalaki. Patuloy nilang kiniliti hanggang pumadyak nang pumadyak nang malakas dahilan para makalikha ng ingay na ikinagisin­g ng asawa ni Mang Andong na si Aling Barang.

Dahil sa akalang binabangun­got ang asawa na sa balkon ng kanilang bahay natulog, mabilis na bumangon si Aling Barang at pumunta sa bahagi ng bahay nilang kinaroroon­an ni Mang Andong. Dahil muling ginamit ng mga tambulisli­s ang kapangyari­hang tagabulag, hindi nakita ni Aling Barang ang mga nilikhang nagbiro sa asawa.

“Gising, Andong,” wika ni Aling Barang na sinabayan ng malakas na pagyugyog. “Binabangun­got ka naman!”

Ngunit dahil lasing na lasing sa alak na barikolkol na ininom nila ni Mang Edgardo sa tindahan ni Aling Ebeng sa sentro ng barangay, hindi nagising si Mang Andong. Umungol lamang at binago ang puwesto ng dalawang paang malakas na ipinadyak kaya nakalikha ng ingay na gumising sa asawang si Aling Barang. Minsan pa, kinausap ng malakas ni Aling Barang ang asawa habang niyuyugyog para magising ngunit muli siyang nabigo. Nanatiling mahimbing ang tulog ni Mang Andong sa kanilang balkon.

Dahil hindi nagising ang asawa, nagpasiya si Aling Barang na gawin ang dating ginagawa para magising ang asawang nananatili­ng mahimbing ang tulog. Pumasok siya sa loob ng kanilang bahay at tumuloy sa kusina, dinampot ang isang tasa at isinalok sa tapayang lalagyan ng tubig na panghugas ng plato at iba pang gamit sa kusina.

Nadagdagan ang kasiyahan ng mga tambulisli­s nang makita ang dalang tasa ni Aling Barang ng lumabas sa kusina dahil alam na ang gagawin sa taong kiniliti nang kiliti ngunit nanatiling mahimbing ang tulog.

Kaagad nagising si Mang Andong ng tumama sa mukha ang malamig na tubig na ibinuhos ni Aling Barang mula sa tasa.

“Ano ba?” Tanong ni Mang Andong. “Bakit mo ako binuhusan ng tubig? Kita mong mahimbing na natutulog ang tao, iistorbohi­n mo?”

“Gago,” pasigaw na sagot ni Aling Barang. “Iniligtas ka na sa kamatayan, galit ka pa!”

“Iniligtas mo ako sa kamatayan?” Tanong ni Mang Andong. “Paano ‘yun nangyari?”

“Paano?” Tanong ni Aling Barang. “Eh di binangungo­t ka kanina kaya ka padyak nang padyak at dahil hindi ka magising, binuhusan kita ng malamig na tubig!”

“Barang, hindi ka nagbibiron­g binangungo­t ako kanina?” Tanong ni Mang Andong. Itutuloy...

 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines