‘Wala akong kasalanan, tumulong lang ako’
Hindi pinagsisisihan ni John Paul Solano ang pagsugod kay Horacio Castillo III sa ospital— ang pinagsisisihan niya ay ang pagpayag na iwan siya sa Chinese General Hospital ( CGH), at sa huli ay ikinonsiderang isa sa mga pangunahing suspek sa kaso.
“I would never regret na tumulong ako sa isang tao,” sambit ni Solano. “Ang ni-regret ko lang sa mga nangyari ay ‘yung nagpaiwan ako sa ospital.”
Sinabi niya na sinabihan siya ng mga kapwa fraternity member na manatili sa ospital at pumayag siya, dahil alam niyang hindi tatanggapin ng ospital si Castillo kung wala itong kasama.
Noong una ay nagalit si Solano, na part-time medical technologist sa San Lazaro Hospital, sa kanyang mga kasamahan sa fraternity.
“At first, nung nasa ospital ako, ang laki ng galit ko sa kanila kasi tinawagan nila ako, inabala nila ‘yung work ko nung araw na ‘yun tapos iniwan nila ako, ako pa ‘yung naipit,” pag-amin ni Solano.
Ngunit bandang huli ay napagtanto niya na wala siyang dapat ikagalit sa mga kasamahan.
“Wala ring point, hindi siya makakatulong. Finocus ko na lang yung sarili ko sa kung ano ‘yung mga next step para magkaroon din ng linaw lahat ng pangyayari,” aniya.
Tanging si Solano ang suspek sa kaso na hawak ngayon ng pulisya.
Kinasuhan ng MPD si Solano ng murder, perjury, obstruction of justice, robbery, at paglabag sa Anti-Hazing Law.
Sinabi rin niya na kahit nangungulila na siya sa kanyang pamilya, hiniling niya sa mga ito na huwag siyang bisitahin sa pagnanais na pagtuunan ang pagdinig sa kaso.
Umaasa si Solano na ipaguutos ng Department of Justice (DoJ) na palayain na siya dahil sa pagiging inosente.
“I can say with confidence that I am hopeful kasi alam ko naman na inosente ako. Alam ng Diyos na wala akong kasalanan, tumulong lang ako,” pahayag ni Solano.