TMZ: Tom Petty hindi pa patay
INULAT nitong Lunes na ang U.S. rocker na si Tom Petty ay buhay pa at lumalaban sa isang ospital sa katimugan ng California, matapos maglabasan ang taliwas na mga ulat na pumanaw na ito.
Ayon sa CBS News, mula sa ulat ng Los Angeles Police Department, pumanaw na umano si Petty sa edad na 66.
Kalaunan ay nag- tweet ang LAPD sa Twitter na “no information about the passing of singer Tom Petty. Initial information was inadvertently provided to some media sources.”
Ayon naman sa celebrity website na TMZ.com, anila, mula sa hindi kilalang sources, hindi na inaasahang mabubuhay pa ng matagal si Petty ngunit “still clinging to life.”
Hindi nagkomento ang mga tagapagsalita ng singer upang makumpirma ang kondisyon ng singer.
Ibinalita ng TMZ. com na isinugod sa ospital si Petty nitong Linggo ng gabi, makaraang matagpuang walang malay, hindi humihinga at inatake sa puso. Ayon sa website, kinabitan ng life support si Petty, at ang kanyang pamilya ay mayroong ‘ do not resuscitate order’.
Sinabi naman ng Los Angeles County Sheriff’s Department na tumugon sila sa tawag sa Malibu nitong Linggo at may isinugod na lalaki sa ospital. Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang tagapagsalita.
Ang rock singer na si Petty, ay kilala sa kanyang hits na Free Fallin’, Don’t Come Around Here No More at American Girl, ay nasa 40th anniversary tour sa United States kasama ang kanyang bandang The Heartbreakers, na nagtangal ng tatlong beses nitong Setyembre sa Hollywood Bowl sa Los Angeles.