TAMBULISLIS
Ika-39 labas
“Huwag kang babagal-bagal, Turiray,” wika ni Bulinggit. “Gustong-gusto ko ng mangiliti, kanina pa kating-kati ang daliri ko!”
“Ako rin, kating-kati na ang daliri,” wika ng isa pang tambulislis. “Kapag hindi mo pa siya kiniliti, kikilitiin ko na si Arman!”
“Kayo talaga, laging nagmamadali kapag magbibiro tayo sa mga tao, higit sa bata,” sagot ni Turiray. “Sige, kikilitin ko na si Arman, baka unahan pa ninyo ako pagbiro sa kaniya!”
Dahil hindi natatabunan ng kumot ang dalawang paa ni Arman, lantad na lantad ang dalawa niyang talampakan sa mga nilikha na paboritong libangan ang pagbibiro sa mga tao sa pamamagitan ng pagkiliti. Kaya hindi lang ang tambulislis na si Turiray ang nakatitig sa talampakan ng batang minsan pa lang nakalaro ng mga nilikha ngunit itinuring ng kaibigan.
Ngunit lihim sa mga tambulislis, gising si Arman at dahil hindi ginamit ng mga nilikha ang kapangyarihang tagabulag, nakikita sila ng bata. At dahil gising, ilang beses pa lang dumadampi ang munting daliri ng tambulislis na si Turiray, napahagikhik nang tawa si Arman. Dahil tuwina, ginagawa ng tambulislis ang pagbibiro kapag tulog ang kikilitiin, nagulat ang mga nilikha sa paghagikhik ng batang kinikiliti ng tambulislis na si Turiray.
“Gising siya, nagtutulog-tulugan lang,” wika ni Turiray. “Naisahan tayo ni Arman!”
“Tama kayo, kanina pa ako gising,” sagot ni Arman. “Kaya sinisimulan pa lang ninyo ang pagkiliti, napahagikhik na ako ng tawa!”
“Natutuwa talaga ako ng husto sa iyo, Arman,” wika ni Malut. “Talagang kaibigan at kalaro na ang turing mo sa amin!”
“Bakit mo nasabi ang bagay na ‘yan, Malut?” Tanong ni Arman.
“Dahil hindi ka natakot sa amin,” sagot ni Malut. “Yun ibang bata, takot na takot pa rin sa amin kahit alam nilang hindi kami nanakit ng tao, kung hindi nakikipaglaro lang at nakikipagkaibigan!”
“Noong una nakaramdam din ako ng takot sa inyo,” wika ni Arman. “Ngunit dahil sa kuwentong mababait at palakaibigan ang mga tulad ninyo, pilit naming nilabanan ang takot ni Gary!”
“Kaya nakipaglaro kayo sa amin sa ulan habang may bahaghari sa papawirin?” Tanong ni Oryung.
“Gano’n nga,” sang-ayon ni Arman. “Talagang hinanap namin kayo para makipaglaro at makipagkaibigan. At tuwang-tuwa kami, dahil hindi kami nabigo, natupad ang aming pangarap!”
Lingid kay Arman, gising din ang mga magulang niyang sina Mang Damian at Aling Saling na natutulog sa sala ng bahay kaya naulinigan ang mga ingay na nagmumula sa kaniyang kuwarto. Ingay na nalikha sa pakikipagusap niya sa mga tambulislis. Kaya tulad ng mga magulang ni Gary na sina Mang Kardo at Aling Untang, idinikit nina Mang Damian at Aling Saling ang taynga sa dingding na kawayan upang higit na marinig ang nauulinigang ingay. Hindi sila nabigo, narinig nila ang nalilikhang ingay ng pakikipag-usap ni Arman sa kausap na hindi alam ng magulang, mga tambulislis.
“Damian, may kausap si Arman sa kuwarto,” wika ni Aling Saling. “Patalasin mo ang iyong pandinig para mapakinggan mong mabuti!”
“Hindi ko na kailangang patalasin ang aking pandinig, Saling,” sagot ni Mang Damian. “Naririnig ko ang ingay sa pakikipag-usap niya sa taong maliit at matinis ang boses!”
“Kakaiba nga ang boses ng kausap ni Gary,” wika ni Aling Saling. “Hindi ka dinadaya tayo ngating pandinig na may kausap si Gary?”
“Hindi tayo dinadaya ng ating pandinig, Saling,”sagot ni Mang Damian. “Tutuong may kausap ang ating anak, mga taong maliit at matinis ang boses!”
“Diyos ko, kinakabahan ako sa kausap ng anak natin sa kaniyang kuwarto,” wika ni Aling Saling. “Hinala ko, nilikha mula sa daigdig ng kababalaghan!”
“Ganyan din ang hinala ko,” sagot ni Mang Damian.
Itutuloy...