TAMBULISLIS
Ika-43 labas
“HINDI
kaya namimili ng kalaro ang mga tambulislis?” Tanong ni Warren. “Natanong ko ang bagay na ito dahil maraming bata sa ating barangay ang gustong makalaro at maging kaibigan ang nilikhang ‘yun, ngunit bigo!”
“Malamang na hindi sila namimili ng kalaro,” sagot ni Fermin. “Siguro, kaya nakalaro at naging kaibigan nila Gary at Arman ang mga nilikhang ‘yun dahil lagi sa lugar na malapit sa tirahan ng mga tambulislis!”
“Maaaring tama ang hinala mo,” sagot ni Warren. “Kaya para maging kalaro at kaibigan natin ang mga tambulislis, maglagi rin tayo sa lugar na malapit sa tirahan ng mga nilikhang ito!”
“Sige, doon naman tayo magtambay,” sang-ayon ni Fermin. “At para masaya ang pagtatambay natin, magdala tayo ng tirador!”
“Titiradurin natin ang mga tambulilis?” Tanong ni Warren.
“Hindi,” sagot ni Fermin. “Baka makakita tayong bayawak na nakaakyat sa patay na kahoy o niyog na nagpapa-init, titiradurin natin!”
“Sige, dadalhin ko ang aking tirador,” wika ni Warren. “Matindi ang init ng araw sa tanghali kaya maraming bayawak ang lumalabas at nagpapainit sa araw kapag tanghali!”
Kinabukasan, tulad ng kanilang usapan, pagsapit ng tanghali, nagkita sina Fermin at Warren para pumunta sa bagong tirahan ng mga nilikhang tambulislis, ang malaki at mataas na punongkahoy.
At tulad ng kanilang napag-usapan, sakbat nila ang kanilang tirador na kabilang sa libangan ng mga bata sa liblib na barangay tulad ng Bayan-bayan. Hindi nila sinabi kina Gary at Arman ang kanilang gagawin sa lugar na malapit din sa bahay ng dalawang kababata dahil gusto nilang tiyaking sila lang ang makakalaro ng mga tambulislis kapag nagpakita. Saglit silang tumigil sa paglalakad ng madaan sa ginagawang pampublikong gusali sa sentro ng barangay at pinagmasdan ang mga tambak ng bato, buhangin at graba. Hindi na nag-usap ang magkababata at matalik na magkaibigan sa gagawin, tumingkayad sila at sinimulan ang pamumulot ng mga maliliit na batonggagawin nilang bala sa tirador.
“Okey gawing bala sa tirador ang mga batong ito,” wika ni Warren. “Buhay na bato kaya hindi agad mababasag kahit tumama sa matigas na bagay!”
“Tama ka, Warren,” sagot ni Fermin. “Bukod sa bagay na sinabi mo, ang isa pang maganda sa mga batong ito kapag ibinala sa tirador, tuwid ang direksyon kapag lumipad sa ere!”
“Tama ka d’yan, kaya tiyak na masasapol natin ang bayawak kahit nasa dulo ng patay na kahoy o niyog,” paliwanag ni Warren. “At ang isa pang maganda, groge agad pagtama ng batong ito ang hayop na ‘yun!”
“Adobong bayawak ang labas ng hayop na ‘yun dahil malulunodsa
Malapot na gata at makukulapulan ng dahon ng sili,” wika ni Fermin.
“Tama ka, ‘yun ang mangyayari sa bayawak na mahuhuli natin,” sagot ni Warren. “At para siguradong magiging ulam ang bayawak na makikita natin, gagamitin ko ang husay ko sa pagtirador!”
“Ako rin,” wika ni Warren. “Titiyakin kong sa ulo tatamaan ang hayop na ‘yun para mahulog agad sa inakyatang patay na kahoy o puno ng niyog!”
Matapos punuin ng bilog, maliit at buhay na bato ang mga bulsa ng suot na short, ipinagpatuloy nina Fermin at Warren ang paglalalakad papunta sa direksyon ng bahay ni Mang Edgardo at bahay nina Gary at Arman. Hindi sila pinansin ni Mang Edgardo kahit nadaan malapit sa kaniyang bahay dahil madalas maygumagalang mga bata sa malawak na niyugang pagaari ni Don Andres kapag panahon ng tagaraw. Saglit na napatigil sa paglalakad sila Fermin at Warren ng mapadaan sa tapat ng malagong kawayanang dating tirahan ng mga nilikhang pakay nilang maging kaibigan at kalaro.
Lihim nilang pinatalas ang paningin para makita kung may nakatira pang tambulislis sa malagong kawayanang dating tirahan ng nilikha. Lihim, pinatalas din nila ang pandinig para marinig ang ingay ng mga tambulislis.
Itutuloy...