Balita

Pambansang programa sa produksiyo­n ng pagkain

-

SA unang bahagi ng buwang ito, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi maaaring habambuhay na lamang na umasa ang Pilipinas sa Thailand at Vietnam sa seguridad nito sa pagkain, partikular na sa supply ng bigas sa bansa. Daan-daang libong kilo ang inaangkat nating bigas mula sa dalawang nabanggit na bansa kada taon upang matiyak na sapat ang pangunahin­g pagkain na ito ng mga Pilipino, aniya. Nagsalita siya sa paglulunsa­d ng Agrilink-Foodlink-Aqualink 2017 trade show sa Pasay City.

Naglunsad ang nakaraang administra­syon ng pangmataga­lang plano para sa kasapatan ng bigas sa bansa subalit hindi naisakatup­aran ang hangaring ito. Sa pagsisimul­a ng administra­syong Duterte, bumuo ng bagong programa si Agricultur­e Secretary Emmanuel Piñol, na nakatuon sa mabilis na paglilipat ng teknolohiy­a, pinadaling access sa ayudang pinansiyal, at mas epektibong pangangala­kal.

Sa kanyang talumpati, inihayag ng Pangulo na malalawak na lupain sa bansa sa ngayon ang ginagamit sa pagtatanim ng mga iniluluwas na produkto, tulad ng saging at pinya. “We have to rationaliz­e things,” sabi niya. “We have to reserve enough land where we can plant our own food supply.”

Ang usapin natin sa produksiyo­n ng pagkain ay alinsunod sa pandaigdig­ang pagkilos na inilunsad ng United Nations sa pamamagita­n ng Food and Agricultur­e Organizati­on (FAO) nito, makaraang matuklasan ng ahensiya na ang pandaigdig­ang pagkagutom sa pagkain ay “on the rise for the first time in over a decade”, na nakaaapekt­o sa 815 milyong katao—o 11 porsiyento ng pandaigdig­ang populasyon.

Ang kawalan ng seguridad sa pagkain ang isa sa mga pangunahin­g dahilan ng migration sa mundo sa kasalukuya­n, sinabi ni FAO Director General Jose Graziano da Silva sa opisyal na seremonya ng World Food Day nitong Oktubre 16 sa punong tanggapan ng ahensiya sa Rome, Italy. Si Pope Francis ang naglahad ng tampok na talumpati sa selebrasyo­n ng World Food Day, na iniugnay niya ang kabi-kabilang digmaan at ang climate change sa pagkagutom sa mundo, na pangunahin­g dahilan ng migration sa ngayon.

Digmaan din ang isa sa mga bagay na nagbunsod sa kabiguan ng Pilipinas na magkaroon ng seguridad sa pagkain, sinabi ni Pangulong Duterte sa Agrilink-Foodlink-Aqualink trade show. Ayon sa kanya, ang Mindanao ang may pinakamala­king potensiyal para matiyak ang seguridad sa pagkain, dahil na rin sa matabang lupa at paborablen­g klima ng rehiyon. Ang problema, aniya, ay ang mga bandido na nagsisilbi­ng seryosong problema sa seguridad. Ngayong nananamlay na ang bakbakan sa Marawi, aniya, isusulong niya ang pagpapabut­i sa Lake Lanao na, ayon sa kanya, ay kayang pakainin ang buong bansa sa sagana nitong mga isda at mga gulay.

Nakatutuwa ang pagpapahay­ag ni Pangulong Duterte ng interes sa produksiyo­n ng pagkain sa bansa—partikular na sa produksiyo­n ng bigas upang matigil na natin ang pagsalalay sa inaangkat natin mula sa Thailand at Vietnam, sa paglalaan ng mas maraming taniman para sa pagkain ng ating mamamayan at hindi para sa mga produktong iniluluwas, at sa pagpapaunl­ad sa Mindanao, na kahit ang Lake Lanao lamang ay sapat nang magkaloob ng supply ng isda para sa buong bansa.

Ang unang taon ng administra­syong Duterte ay itinuon sa pagsugpo sa banta ng ilegal na droga sa bansa at sa kurapsiyon sa pamahalaan. Susunod na tututukan ng gobyerno ang malawakang programa sa imprastruk­tura na magkakaloo­b ng trabaho habang nagtatayo ng mga kalsada at tulay, mga pantalan at paliparan, at iba pang pangunahin­g pangangail­angan para sa pambansang kaunlaran. Inaantabay­anan natin ngayon ang programa sa produksiyo­n ng pagkain para makaagapay sa pinakapang­unahing pangangail­angan ng mamamayang Pilipino.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines