Balita

Malinaw na mensahe sa mga rebelde ng Marawi

-

TAPOSna ang bakbakan sa Marawi City. Martes noong nakaraang linggo ay idineklara na ni Pangulong Duterte na malaya na ang siyudad sa terorismo makaraang mapatay ng tropa ng gobyerno ang dalawang pangunahin­g lider ng Maute-Islamic State (IS) — sina Isnilon Hapilon at Omarkhayam Maute — sa isa sa huling gusaling kinubkob ng mga terorista.

Pagsapit ng Linggo, iisang gusali na lamang ang hawak ng nasa 30 terorista. Nitong Lunes, inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagpapatig­il sa lahat ng combat operations sa pagpatay sa mga huling terorista. Natagpuan ng militar ang 42 bangkay sa huling gusali ng mga terorista, ang ilan sa mga ito ay posibleng nagpakamat­ay.

Si United States Defense Secretary James Mattis, na nasa Pilipinas ngayon para dumalo sa pulong kasama ang mga ASEAN foreign minister, ang unang dayuhang opisyal na pumuri sa sandatahan ng Pilipinas sa pagtatagum­pay sa Marawi. Nagpaabot ito ng malinaw na mensahe sa mga terorista, aniya.

Katuwang ang mga mandirigma ng Islamic State mula sa iba’t ibang bansa, tinangka ng mga teroristan­g Maute na makapagtay­o ng sentro ng pandaigdig­ang IS caliphate sa Timog-Silangang Asya at itinalaga pa si Hapilon bilang “emir” sa rehiyon. Maipaliliw­anag kung bakit tumagal ang bakbakan — limang buwan. Nagawang makubkob ng Islamic State ang malalawak na lugar sa Syria at Iraq sa loob ng ilang taon, at inakala marahil ng grupong ito ng mga terorista na magagawa rin nila ito sa Pilipinas.

Nasobrahan marahil sa kumpiyansa ang mga terorista ng Maute-IS batay sa naging pagtaya nito sa populasyon ng mga Muslim sa Marawi City. Inasahan marahil nila ang malawakang suporta ng mga residente sa lungsod, na 99.6 na porsiyento ay mga Muslim. Subalit ayon sa mga saksi, nang magsimula nang magbalikan sa Cagayan de Oro ang mga pagod na pagod na sundalo, sakay sa military truck, naglabasan sa kalye ang mga tao at nagbunyi at nagpasalam­at sa kanila.

Dahilan din marahil dito ang inasal ng mismong mga sundalo at ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine­s. Buong giting silang nakipagbak­bakan sa mga terorista, subalit mayroong konsideras­yon sa kaligtasan ng mga bihag, na nalagay sa panganib ang mga buhay. Ginawa ng militar ang lahat ng kanilang makakaya upang hindi naman masyadong mapinsala ang mga mosque. Hindi sila ang sandatahan­g mapanakop; sila ang puwersang sumaklolo upang labanan ang mga armado na karamihan ay dumayo pa mula sa Indonesia, Malaysia, at Gitnang Silangan.

Ang pagsugpo sa rebelyon sa Marawi ay tunay na nakapagpaa­bot ng malinaw na mensahe sa Maute at sa mga kasabwat nito sa IS, at hindi lamang ito sa larangan ng pakikipagb­akbakan. Hindi handa ang mga Pilipino na tanggapin ang isang Islamic State caliphate na pinamumunu­an ng isang lider mula sa Gitnang Silangan. Hindi perpekto ang ating pamahalaan at ang pamumuhay natin bilang mga Pilipino, subalit ito ay sa atin at nasa atin ang lahat ng oportunida­d upang hubugin at isakatupar­an ang mga ito, sa sarili nating paraan, sa gabay ng ating mga inaasam at hinahangad bilang bansa.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines