Balita

NU, walang gurlis sa UAAP women’s basketball

- Marivic Awitan

NANATILING walang bahid ang marka ng defending champion National University habang umusad ang University of Santo Tomas at University of the East sa semifinals ng UAAP Season 80 women’s basketball tournament kahapon sa magkahiwal­ay na venues.

Pinulbos ng Lady Bulldogs ang De La Salle, 91-56, para sa ika -sampung sunod nilang panalo habang tumatag naman ang Tigresses sa ikalawang puwesto pagkaraang padapain ang Ateneo de Manila, 67-50, sa MOA Arena.

Dinurog naman ng Lady Warriors ang University of the Philippine­s, 50-36, sa larong idinaos sa Blue Eagles Gym.

Umangat ang UST sa 9- 2, habang ang UE, hindi pa natatalo sa second round ay umakyat sa markang 8-2.

Sa isa pang laro, nanaig naman ang Far Eastern University kontra Adamson University, 66- 60, sa Katipunan venue upang palakasin ang tsansa sa semis sa pag-angat sa patas na markang 5-5.

Nalaglag naman ang Lady Falcons sa kartadang 3-7 at nanatiling winless ang Lady Maroons matapos ang sampung laro.

Pinamunuan ni Ria Nabalan na nagtapos na may 13 puntos, 9 rebounds at 8 assists ang Lady Bulldogs kasunod sina Rhena Itesi (12 puntos, 14 boards) at Jack Danielle Animam (12 puntos, 13 rebounds) na kapwa umiskor ng double-double.

Nanguna naman si Jem Angeles para sa Tigresses sa iniskor nitong 22 puntos kasunod si Sai Larosa na may 15 puntos, 13 rebounds, at dalawang blocks.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines