Sekyu dedo sa kabaro
Patay ang isang security escort nang barilin ng nakaalitan nitong kasamahan habang isa pa ang sugatan nang tamaan naman ng ligaw na bala, sa pinagtatrabahuhan nilang compound sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si Mario Corpuz, 46, security escort ng Gallantry Security Agency, na nakatalaga sa Armortech armored van, at taga-Sta. Cruz, Maynila habang ginagamot naman sa Manila Medical Center ang kasamahan niyang si Jonathan Lazarte, 30, security escort ng Golden Gate Security Agency, na nakatalaga sa Armortech, at tubong Buenavista, Quezon.
Samantala, nakatakas at tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na si Julius Igat, nasa hustong gulang, security escort ng Gallantry Security Agency, at stay-in sa tanggapan ng Armortech sa Malate.
Batay sa ulat mula sa tanggapan ni Supt. Eufronio Obong Jr., commander ng Manila Police District (MPD)Station 9, nabatid na dakong 2:30 ng umaga nang mangyari ang krimen sa compound ng Armortech motorpool sa Singalong Street, kung saan pawang stay-in security escort sina Corpuz, Lazarte at Igat.
Sa salaysay sa pulisya ni Lazarte, naka-duty siya sa compound nang dumating si Corpuz, na ‘tila nakainom at nagpaalam na papasok sa loob upang kunin ang kanyang motorsiklo upang gamitin ito pauwi.
Pinagbigyan naman umano niya si Corpuz tsaka niya ginising si Igat at pinakiusapang magbantay muna sa gate dahil magbabanyo siya.
Gayunman, pagbalik ni Lazarte ay laking-gulat niya nang makitang nagsisigawan at nagsusuntukan na sina Corpuz at Igat, na kaagad niyang inawat.
Aniya, umalis si Igat ngunit bumalik din, pero sinugod ito ni Corpuz kaya binaril ito ng suspek, pero si Lazarte ang tinamaan sa kanang hita.
Dalawangbesespangpinaputukan ni Igat si Corpuz, na tinamaan sa kaliwang dibdib at kanang braso.