Balita

6 dinampot sa sugalan

-

Wala pa ring kadala-dala ang publiko sa mahigpit na kampanya kontra ilegal na sugal ng awtoridad matapos na maaresto nitong Martes ng gabi ang anim na katao, kabilang ang dalawang miyembro ng isang gang, nang maaktuhan sa sakla at cara y cruz sa magkahiwal­ay na operasyon sa Muntinlupa City at Pasay City.

Sinampahan ng paglabag sa PD 1602 (Anti-Gambling Law) sina Juancho Medina y Medina, 49; Resty Unisa y Lopena, 55; Arwin Loresca y Lopez, 45, helper, pawang taga-Barangay Buli; at Christian Sta. Ana y Mata, 29, binata, ng Bgy. Cupang, Muntinlupa.

Dakong 10:45 ng gabi nang isagawa ang anti-illegal gambling operations ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Southern Police District sa Baybayin sa Bgy. Cupang, na sanhi ng pagkakadak­ip sa mga suspek.

Nakumpiska sa apat ang dalawang set ng sakla cards, P2,060 pusta, isang marker, at isang set ng sakla matting.

Samantala arestado naman sa cara y cruz sina Marco Flores y Morales, alyas “Butchukoy”, 30, miyembro ng Sputnik Gang, ng Bgy.76, Zone 10, Pasay City; at Eddie Cesista y Balaquit, alyas “Negro”, 37, barker, kasapi ng Batang City Jail, at tubong Mapanas, Northern Samar.

Naaktuhan sina Flores at Cesista ng mga tauhan ng Police Community Precinct ( PCP)- Baclaran habang nagsusugal ng cara y cruz sa panulukan ng EDSA Extension at F.B. Harrison Street sa Bgy. 76, Zone 10, Pasay, dakong 5:00 ng hapon.

Narekober sa mga suspek ang tatlong 25 sentimos, P60 pusta, at isang patalim.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines