Balita

Ama na nanakit, nag-video sa 3 anak, wanted

- Joseph Jubelag at Samuel Medenilla

GENERAL SANTOS CITY – Tinutugis ngayon ng mga awtoridad ang isang ama na nag-video sa pagmamalup­it niya sa kanyang tatlong anak para makaganti sa kanyang misis—at ang nasabing video, nag-viral sa social media.

Naglunsad ang mga lokal na opisyal at ang pulisya ng malawakang manhunt operations laban kay Jeffrey Udasan, na nagawang makatakas nang sumalakay ang mga pulis at mga opisyal ng barangay sa kanyang bahay sa Barangay Batomelong, GenSan, upang i-rescue ang dalawa sa kanyang mga anak, isang walong taong gulang at isang anim na taong gulang.

Nag-viral sa social media ang sariling video ni Udasan ng pananakit niya sa dalawa niyang anak na babae at isang anak na lalaki, kaya naman kaagad na kumilos ang mga awtoridad para i-rescue ang mga bata.

Ayon kay Aserin Ngilay, chairperso­n ng Bgy. Batomelong, nasa pangangala­ga na ngayon ng City Social Welfare and Developmen­t Office (CSWDO) ang dalawang batang babae, habang ang anim na taong gulang na lalaki ay nasa kustodiya ng tiyuhin nito sa Bgy. Batomelong.

Batay sa police report, sinadyang i-video ni Udasan ang pananakit niya sa kanyang mga anak upang mapilitan ang kanyang misis na umuwi na mula sa Kuwait, kung saan nagtatraba­ho itong domestic helper.

Tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administra­tion (OWWA) na tutulungan nitong makauwi sa bansa sa Pilipinas ang asawa ni Udasan.

Sa panayam, sinabi ni OWWA Administra­tor Hans Cacdac na sinusubuka­n nilang ma-contact ang ginang upang pakiusapan ang amo nito, at sasagutin ng OWWA ang pasahe nito pabalik sa GenSan.

Sa pagbabalik ng ginang, siniguro rin ni Cacdac na pagkakaloo­ban ng OWWA ng ayudang pinansiyal ang pamilya nito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines