Sa New York, bawal na ang e-cigarette sa trabaho
IPINAGBAWALang electronic cigarettes (e-cigarettes) at ang vape sa mga bar, restaurant at sa halos lahat ng lugar ng trabaho sa New York sa ilalim ng bagong batas na magiging epektibo pagkaraan ng 30 araw.
“These products are marketed as a healthier alternative to cigarettes but the reality is they also carry long-term risks to the health of users and those around them,” ani Governor Andrew Cuomo sa news release pagkatapos lagdaan ang bagong batas nitong Lunes, at sinabing sa ilalim ito ng Clean Indoor Air Act na nagbabawal sa publiko na gamitin ang kanilang e-cigarettes sa lansangan kung saan bawal din ang paninigarilyo.
“This measure closes another dangerous loophole in the law, creating a stronger, healthier New York for all,” ani Cuomo.
Sumali na ang New York sa dumaraming US states, gaya ng California, Connecticut at New Jersey, na nagbabawal sa e-cigarettes sa loob ng mga pampublikong lugar o pasilidad gaya ng bars at restaurants, gaya ng pagbabawal sa paninigarilyo.
Noong Hulyo, nilagdaan ni Cuomo ang batas na nagbabawal sa paggamit ng e-cigarettes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Empire state.
Naglalaman ng nicotine ang mga electronic nicotine at vapor delivery systems gaya ng e- cigarettes, vaping pens, e- hookah at iba pang device na katulad ng mga ito. Ang ilang sangkap na matatagpuan sa e-cigarettes ay itinuturing na toxic at walang regulasyon ukol sa nilalamang kemikal at kung gaanong karaming nicotine ang nilalanghap ng gumagamit. Maaaring makaapekto ang e-cigarettes sa kalusugan ng mga gumagamit nito.