PCSO, patuloy ang serbisyo publiko
AGRESIBONG napataas ng Philippine Charity Sweepstakes (PCSO) ang revenue collection at pinalawak pa ang mga serbisyong kawanggawa para sa mga mamamayang Pilipino, partikular yaong nasa malalayong lalawigan, ayon kay General Manager Alexander Balutan.
“The PCSO is on the rise under the government of President Rodrigo Duterte because we have increased almost all aspects of our operations,” ayon kay Balutan. “We have increased our revenues, our branches, services, and especially our number of beneficiaries since we assumed office under President Duterte.”
Ayon kay Balutan, ito ang dahilan kung bakit pinili ng mga opisyal at empleyado ng ahensya ang “PCSO on the Rise” bilang tema ng pagdiriwang ng anibersaryo sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City nitong Huwebes.
“Ang PCSO ay on the rise dahil ang kita ay lumalaki, kaya namin nadagdagan ang alokasyon para sa aming Individual Medical Assistance Program (IMAP) na kung saan ay ang pondo na ginagamit ng aming mga sangay para sa kapakinabangan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Balutan.
“Nadagdagan din namin ang bilang ng aming mga sangay sa bilang na 60, kaya maraming Pinoy ang maaaring makinabang mula sa aming pinalawak na mga produktong laro, tulad ng Small Town Lottery (STL),” dagdag ni Balutan.
Aniya, dinagdagan din ng ahensya ang mga help desk na tinatawag na “At-Source-ang-Processing” (ASAP) sa 46 partnered-hospitals sa bansa upang mapabilis ang tulong medikal na ibinibigay ng ahensya sa mga pasyente.
Sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, napalaki ng PCSO ang kita nito dahil sa pagpapalawak ng operasyon ng Small Town Lottery (STL) ngayong taon, na mayroon na ngayong 92 Authorized Agent Corporations (80 na ngayon ang kasalukuyang nagpapatakbo) sa buong bansa at ngayon ay kumikita na ng P1.5 bilyon kada buwan.
“Ang pagpapalawak ng operasyon ng STL ay nakatulong ng malaki sa ahensya na dagdagan ang pondo nito at libu-libong tao ang nakikinabang dito para sa tulong medikal na kanilang hinihingi mula sa PCSO,” pahayag pa ni Balutan. “Pinatunayan ng PCSO ang dedikasyon nito sa pagtupad sa kanyang mandato sa pagtulong sa mga taong nangangailangan.”
“Kami ay nakapagtaas ng aming target revenues sa taong ito sa P46.62 bilyon mula P37 bilyon noong nakaraang taon. Inaasahan namin na maaabot namin ito bago magtapos ang taon,” aniya.
“Ngunit hindi kami titigil doon,” dagdag ni PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz. “Patuloy kaming gumagawa ng mga paraan upang mas mapabuti pa ang aming kita at mga serbisyo para mas higit pa na makatulong sa ating mga kababayan.”
Ayon kay Corpuz, siya at iba pang mga opisyal ng PCSO ay nakatakdang mag-ulat ng mga nagawa ng ahensya sa nakalipas na taon sa darating na pagdiriwang ng anibersaryo sa Huwebes.
Magsisimula ang pagdiriwang sa pagbibigay ng mensahe para sa anibersaryo mula sa mga pinuno ng PCSO at susundan ng serye ng mga pagtatanghal. Kabilang dito ang pagkilala ngayong taon sa mga natatanging empleyado para sa Top Employee Award, kasama na ang Top Performing Individual Lotto Agent Award, Top Performing Corporate Lotto Agent Award, at Top Performing STL Authorized Agent Corporation Award.
“Magkakaroon din ng mga testimonya mula sa mga benepisyaryo ng mga serbisyong medikal ng PCSO,” dagdag pa ni Balutan.