Scary costumes nakaaakit ng demonyo
Nananawagan ang isang exorcist at paring Katoliko sa publiko na itigil na ang kultura ng katatakutan tuwing Undas, tulad nang pagsusuot ng scary costumes sa mga Halloween party dahil maaari umano itong makaengganyo ng masasamang espiritu.
Ang panawagan ay ginawa ni Father Daniel Estacio, exorcist ng Diocese of Pasig at parish priest ng Santo Niño de Taguig, kaugnay ng nauusong Halloween party at trick-or-treat tuwing Todos los Santos at Undas, na nagsusuot ng mga nakakatakot na costume ang kabataan.
Iminungkahi naman ng pari na sa halip na nakakatakot na costume ay maaaring magsuot na lamang ng mga damit na kawangis ng sa mga Santo ang mga dadalo sa Halloween party o magsasagawa ng trick-or-treat.
Babala pa ni Estacio, ang pagsusuot ng mga nakakatakot na costume ay maaari ring makaengganyo ng masasamang espiritu o evil spirit.
“The more na nagsusuot ka ng mga costume na mga nakakatakot, kumbaga pinu-promote mo ang mga kademonyohan, ‘yung mga evil spirit. Hindi siya advisable,” sinabi ni Estacio sa panayam ng Radio Veritas. “‘Di ba nung tayo ay bininyagan, dinamitan tayo ng puting kasuotan, ‘yun ang ating baptismal garment, ang tawag sa atin sa pagkakabanal. So, therefore, kailangang i-maintain natin ‘yun. So, kung magkakaroon man tayo ng costume, ‘yung mga costume na ng mga Santo na, instead ‘yung mga katatakutan.”
Nilinaw naman ng pari na hindi ito nangangahulugan na sasapian kaagad ng masamang espiritu ang nagsusuot ng nakakatakot na costume.
“Not necessarily na sasapian ka, kumbaga, the more mo kasi silang nire-recognize ang presence nila, parang pinahahalagahan mo sila. So, it could invite, pero not necessarily na sasapian ka,” paglilinaw niya.
Iginiit din ni Estacio na ang tunay na kahulungan ng Undas ay paggunita sa mga mahal nating yumao at mga banal na kasama sa langit ng Panginoon, kaya hindi ito dapat na haluan ng katatakutan.
“Kumbaga pino-promote natin ‘yung culture ng katatakutan, na hindi naman talaga ‘yun ang essence ng pagdiriwang natin ng All Saints Day at All Souls Day. Paggunita ‘yun sa mga mahal nating yumao at paggunita sa mga banal na kasama na ng Panginoon sa langit,” aniya.