GAB, magbabantay sa ‘fake’ trade
HANDANG gamitin ng Games and Amusement Board ( GAB) ang kapangyarihang saklaw ng batas upang siyasatin ang kontrobersyal na trade na niluluto ng Kia at San Miguel Beer sa PBA.
Ayon kay GAB chairman Abraham ‘ Baham’ Mitra, hindi lamang ang liga bagkus ang interest sa bayang basketbolista ang nakataya na kailangang bigyan ng proteksyon, gayundin ang maibsan ang posibilidad na magkaroon ng negatibong aksiyon sa naturang usapin.
Sa opisyal na pahayag ng GAB, sinabi ni Mitra na ang regulatory body para sa professional sports sa bansa ay ‘intently observing’ sa kaganapan sa kwestyunableng trade na napagkasunduan na umano ng Kia at SMC bago pa man maganap ang PBA Rookie Drafting bukas.
Tangan ng KIA – kulelat na koponan sa liga -- ang karapatan sa No.1 draftee at ang pinakamahusay at matikas na player na available ay ang 6-foot-8 Filipino-German na si Christian Standhardinger.
Ngunit, ang Gilas Pilipinas mainstay, ay handa umanong ipamigay ng KIA sa San Miguel kapalit nang tatlong bench-warmer na player.
“There are complaints about the KIA- SMB deal and we are intently observing,” pahayag ni Mitra.
“How the PBA handles it will determine if the next season will excite or turn off fans,” aniya.
Mismong si Alaska owner Wilfred Uytengsu ay hindi na napigilang pumalag sa naturang ‘deal’ na sinasabi ng maraming basketball fans na ‘kalokohan’.
“Lahat ng team malamang pipiliin si Standhardinger bilang No.1 tapos ang KIA ipamimigay lang. Buti kung ang kapalit star player din tulad nina Junmar ( Fajardo) or Arwind ( Santos),” pahayag ng Ginebra fanatics na si Noel Lelis.
Sa pagpupulong ng PBA Board nitong Huwebes, nagkakaisa umano ang mga team owners na susuportahan kung ano man ang maging desisyon ni PBA commisioner Chito Narvasa sa naturang isyu.
Pansamantala munang ibininbin ni Narvasa ang desisyon hingil sa naturang trade.
Ayon kay Mitra, malaki ang posibilidad na mawala ang interest ng publiko sa PBA kung isa o dalawang koponan lamang ang nagtataglay ng malakas na lineup.
“We would like to have a balance among all teams which would help competitiveness and boost sales. We want more teams to grow their fan base. Fans troop to games with star players,” pahayag ni Mitra.
“The danger of declining ticket sales becomes real when stars are concentrated in only a few teams.”
“KIA, Blackwater, Globalport and Phoenix seem to need more stars in their team to be able to compete with the others. As in the past, lopsided matches affect public interest, gate receipts and revenues to the government,” aniya.