Balita

1 patay, 10 bahay natabunan sa landslide

- Ni LIEZLE BASA IÑIGO May ulat ni Fer Taboy

Sumasailal­im sa monitoring ang tatlong barangay sa bayan ng Sta. Ana sa Cagayan at isa pang barangay sa Lasam makaraang isang lalaki ang malibing nang buhay at nasa 10 bahay at daandaang pamilya ang naapektuha­n ng landslide sa lalawigan, dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan.

Ayon kay Bonifacio Cuarteros, ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), na nagpapatul­oy ang clearing operation sa tulong ng lokal na pamahalaan, ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Region 2, at ng pulisya ng Sta. Ana at Lasam kaugnay ng pagguho ng lupa sa 10 bahay.

Kinumpirma naman ni Chief Insp. Saturnino Soriano, hepe ng Sta. Ana Police, na isang lalaki ang nasawi nang malibing nang buhay kahapon ng umaga, bagamat hindi pa natutukoy ang pagkakakil­anlan ng biktima habang isinusulat ang balitang ito.

“Nahirapan pa kami na magclearin­g dahil posible pa ang landslides, at patuloy pa ang pag ulan sa mga barangay ng San Vicente, Rapuri at Tangastan sa Sta. Ana,” sinabi ni Chief Insp. Soriano sa panayam ng Balita.

Sinabi naman ni Cuarteros na nasa walong bayan sa Cagayan ang nakalubog ngayon sa baha, at dahil patuloy na tumataas ang tubig ay inaasahang madadagdag­an pa ang mga apektadong bayan.

Batay sa datos kahapon, may kabuuang 27 barangay, at 1,076 na pamilya na ang apektado ng ulan at baha.

Siniguro naman ng Department of Social Welfare and Developmen­t (DSWD) na nakahanda ang relief goods para sa evacuees.

Kasabay nito, itinaas na rin ang alerto sa Buntun Bridge Gauging Station, nang umabot na sa 9.91 metro ang water level, na higit sa itinakdang 9-meter alarm level.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines