Balita

Pumatay sa Grab driver, tukoy na

- Bella Gamotea

Natukoy na ng Pasay City Police ang suspek sa pagpatay sa isang Grab partner driver, na tumangay pa sa sasakyan nito kamakailan.

Sinabi ni Supt. Gene Licud, Assistant Chief of Police for Operations ng Pasay City Police, na dumulog sa tanggapan ng Station Investigat­ion and Detective Management Branch ( SIDMB) si Giselle Delemios, 24, tubong Tarlac, at misis ng suspek.

Inamin ng ginang na susuko ng 3:00 ng hapon kahapon sa awtoridad ang asawa niyang si Narc Tulod Delemios, alyas “Miko”, “Real Niloko Delemios”, nasa hustong gulang, ng Barangay 148, Don Carlos Revilla, Narra Extension, pero nabigo itong lumantad.

Nagbigay naman ng ultimatum ang Pasay City Police na kailangang sumuko ng suspek sa loob ng dalawang araw o hanggang bukas, Nobyembre 8.

“Sa oras na hindi sumuko sa ibinigay naming dalawang araw na taning ay hahantingi­n pa rin namin siya, at tukoy na rin namin kung saan siya,” sabi ni Supt. Licud.

Sa pagsisiyas­at, lumalabas na robbery at carnapping ang motibo sa pamamaslan­g kay Gerardo Maquidato Jr. 37, ng Tandang Sora, Quezon City.

“Kinuha po kasi ‘yung pera, cell phone, mga ID, wallet at sasakyan ng biktima kaya robbery at carnapping ang motibo ng ginawang pagpatay ng suspek sa biktima. Hindi po sila magkakilal­a,” paliwanag ni Supt. Licud.

Inihahanda na ng Pasay City Police ang pagsasampa ng kasong robbery at murder sa suspek bukod pa rito ang carnapping na maaaring ikaso ng PNP-Task Force Limbas sa Camp Crame.

Nabatid na mayroon ding standing warrant of arrest ang suspek sa sala ni Parañaque Regional Trial Court (RTC) Branch 257 sa kasong murder noong Pebrero 3, 2015.

Matatandaa­ng binaril sa ulo si Maquidato sa loob ng silver Toyota Innova (XV-7109) nito sa Bonanza Street, Bgy. 189, Zone 20 sa Pasay dakong 7:45 ng gabi nitong Oktubre 26.

Inilabas ng suspek ang patay na biktima mula sa sasakyan at iniwan sa bangketa bago tinangay ang Toyota Innova.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines