Rom 12:5-16ab ● Slm 131 ● Lc 14:15-24
Sinabi kay Jesus ng isa sa mga inanyayahan: “Mapalad ang makakasalo sa bangkete ng Kaharian ng Diyos!”
Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangketeatmaramisiyangkinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat.’ Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una: ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensiya ka na.’ Sinabi naman ng isa: ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensiya ka na.’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’
“Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayan at sinabi nito sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod, at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag, at mga pilay.’
“At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makakatikim ng aking handa.’ ”
PAGSASADIWA:
Tayo na’t handa na ang lahat.— Nang sabihin ko sa isang kaibigang nag- anyaya na darating ako sa kanyang handaan, napasigaw siya ng “Yehey!” Ganoon talaga ang dulot ng pagsang-ayon sa isang paanyaya. Sa ebanghelyo ay ganon na lamang ang lungkot (at galit) ng nag-anyaya sa pagtanggi ng kanyang inaasahang mga panauhin.
Tayong lahat ay inaanyayahan ng Diyos sa piging ng kanyang Kaharian. Huwag sana natin siyang bibiguin. “Oo” ang nais niyang tugon mula sa atin. Ito ay nangangahulugan ng pakikiisa sa kanyang kalooban. Ito ay “Oo” sa panawagan ng pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa.