Ika-77 labas
SINABI
na ni Don Andres, sa kanyang mga tauhan, ang kanyang masamang binabalak sa kumpare ni Mang Edgardo na si Mang Daniel.
“Hindi ka nagbibiro, boss?” Tanong ni Sendong. “Over reaction naman yata ‘yan sa gagawin nating pagkidnap kay Mang Daniel!”
“Hindi over reaction ang sinabi ni boss,” sagot ni Dodong. “Talagang malaki ang pagkakataong makabangga natin ang iba pang armadong tauhan ng gobyerno kung papalpak angating trabaho!”
“Kung sakali, anong puwersa ng gobyerno ang makakabangga natin?” Tanong ni Sendong.
“Depende kung anong puwersa ang mapapagsumbungan ng pamilya ni Mang Daniel. Puwedeng pulis, sundalo o NBI dahil ang mga tauhang ito ng gobyerno ang lumulutas sa mga mabibigat na krimeng nagaganap sa ating bansa,” paliwanag ni Harry.
“Tagilid tayo kapag isa sa mga grupong ito ang nakabangga natin. Kung isang paa nila ang nasa hukay sa pakikipaglaban, dalawang paa ang sa atin,” komento ni Sendong.
“Tama ka, Sendong,” sagot ni Harry. “Kaya seryosohin natin at pagbutihin ang trabaho para walang bulilyaso. Dahil kapag nagkaroon, puputok sa buong bansa at kikilos ang mga pulis, sundalo at NBI!”
“Sabagay may maganda ring kapalit ang pangyayaring ito sa atin, bossing,” wika ni Rading.
“Anong magandang pangyayari?” Tanong ni Dodong.
“Mababalita ang ginawa natin sa buong bansa,” sagot ni Rading. “At baka sa bilis ng balita ngayon sa pamamagitan ng social media, tiyak sa buong mundo pa!”
“Huwag lang tayong malasin sa unang bugso ng putukan,” sagot ni Harry. “Dahil kapag minalas, sisikat tayong pantay ang paa at may nakapasak na bulak sa ilong!”
“Pero sikat pa rin, boss,” komento ni Rading. “Ang masama lang sa pangyayaring ‘yun, hindi natin matatamasa ang kasikatan dahil wala na tayong kamalayan!”
Samantala, dahil tuloy-tuloy sa pagtratrabaho sina Mang Edgardo at mga binatilyong sila Gandoy at Santy, makaraan lang ang ilang araw, natapos nila ang bahay-bakasyunan. Dahil natupad ang pangarap ni Mang Daniel sa kamusmusan, buong kasiyahan niyang pinagmasdan ang bahay-bakasyunang gagawin niyang tirahan sa barangay Bayan-bayan. Ngunit hindi lamangsiya ang natuwa matapos ang bahay-bakasyunan, natuwa ang kumpare niyang si Mang Edgardo. Masayang-masaya si Mang Edgardo dahil tulad noong kabataan nila sa barangay, lagi na silang magkakaharap sa inuman ni Mang Daniel. At kahit sila Gandoy at Santy, masayang-masaya rin dahil bukod sa kumita, nagkaroon ng kaalaman sa trabaho sa construction na habang buhay nilang pakikinabangan sa Metro Manila. Isang lugar sa Pilipinas na inaasahan nilang magbibigay ng katuparan sakanilang pangarap at mga naisin sa buhay na hindi magkakaroon ng katuparan sa kinaroonan nilang barangay.
“Salamat po sa inyong dalawa, Mang Edgardo at Mang Daniel,” wika ni Gandoy. “Hindi lang kami kumita sa pagtratrabaho sa bahay-bakasyunan, kung hindi, nagkaroon ng kaalaman sa trabaho sa construction!”
“Nakapalaki hong tulong sa amin ang pagtratrabaho sa bahay-bakasyunan,” wika ni Santy. “Nagtanim ito sa aming isipng kaalamang magagamit namin para kumita at manirahan sa Metro Manila!”
“Tama kayong dalawa,” sagot ni Mang Edgardo. “Dahil sa mga nalaman ninyo, puwede na kayong magpiyon sa construction!”
“At ang trabahong ‘yun ang simula ng katuparan ng ambisyon ninyong maging eksperto sa mga trabaho sa construction. Trabahong tuwina, kailangan sa mga mataong lugar tulad ng Metro Manila,” paliwanag ni Mang Daniel.
“Sisimulan na ho namin ni Gandoy ang paghahanap ng trabaho sa ibang lugar,” wika ni Santy. “Kayang-kaya na pala naming magpiyon sa construction!”