MABUTING BALITA
Kar 2:23-3:9 ● Slm 34 ● Lc 17:7-10
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag- aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Anong sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’
“Dapat kaya kayong tumanaw ng utang na loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa n’yo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin n’yo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin.’ ”
PAGSASADIWA:
Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin.— Wala tayong karapatang kilanlin o parangalan dahil sa ating mabubuting gawain. Ito ay binibigyang-diin sa ebanghelyo. Dapat sabihin ng mga utusan, “Ginagawa lamang namin ang dapat naming gawin.” Ito ay paalala sa lahat ng manggagawa.
Anuman ang gawaing nakaatang sa ating mga balikat, ito ay dapat gampanan nang buong husay at may kasamang pagmamahal. Huwag tayong maghahangad ng papuri o pagkilala. Kahit ang mga nakatataas sa atin at pinaglilingkuran ay walang obligasyong parangalan tayo. Kung sakali mang parangalan nila tayo, ito ay hindi dahil karapatan natin iyon kundi bunga ito ng kanilang kagandahang-loob.