Balita

Is 25:6-10a ● Slm 23 ● Mt 15:29-37

-

Pumunta si Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, at pagkaakyat sa burol ay naupo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, dala-dala ang mga pipi, bulag, pilay, mga may kapansanan, at mga taong may iba’t ibang karamdaman. Inilagay sila ng mga tao sa paanan ni Jesus, at pinagaling niya sila. Kaya namangha ang lahat nang makita nilang nagsasalit­a ang mga pipi, lumalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga may kapansanan at nakakakita ang mga bulag; kaya pinuri nila ang Diyos ng Israel.

Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at ayaw kong paalisin silang gutom at baka mahilo sila sa daan.”

Sinabi ng mga alagad sa kanya: “At saan naman tayo hahanap ng sapat na tinapay sa ilang na ito para ipakain sa mga taong iyan?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito, at kaunting maliliit na isda.”

Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha niya ang pitong tinapay at ang maliliit na isda, at nagpasalam­at sa Diyos.

PAGSASADIW­A:

Kumain silang lahat at nabusog at inipon ang mga natirang pirapiraso— pitong punong bayong.— Ang ibinibigay ng Diyos para sa pangangail­angan ng tao ay hindi lamang sapat kundi labislabis pa. Sadyang ang mundong kaloob ng Diyos sa tao ay siksik sa napakarami­ng biyaya para mabuhay ang tao nang hindi kukulangin para sa lahat ng kanyang mga pangangail­angan. Pansinin natin na matapos kumain ang lahat at mabusog sa himala ng pagpaparam­i ng tinapay, ang mga natira ay inipon. Marahil ay para mapakinaba­ngan pa ng iba na maaaring mangailang­an pa ng makakain sa ibang pagkakatao­n. Walang nagpakita ng kasakiman sa mga kumain sapagkat ang lahat naman ay kumuha ng ayon lamang sa kanyang makakaya. Walang nagmalabis kung kaya’t hindi kinulang.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines