Umiwas sa checkpoint, utas
SAN JOSE, Batangas - Patay ang isang lalaki matapos na habulin ng mga pulis at makipagpalitan umano ng putok sa mga awtoridad nang umiwas sa checkpoint sa San Jose, Batangas, nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay Chief Insp. Virgilio Jopia, hepe ng San Jose Police, dakong 10:20 ng gabi at nagsasagawa ng Oplan Sita ang grupo ni PO1 Neil Silva sa Barangay Natunuan, nang parahin ang suspek na sakay sa motorsiklo.
Hindi umano huminto ang suspek kaya hinabol siya ng mga pulis, pero sinasabing pinaputukan ng suspek ang mobile patrol.
Gumanti ang mga pulis at napatay ang suspek sa ilang minutong palitan ng putok sa hangganan ng mga barangay ng Tugtug at Natunuan.
Nakarekober ang pulisya ng isang .45 caliber pistol at mga bala, isang sachet ng marijuana, at isang Kawasaki motorcycle.
Kinikilala pa ng mga awtoridad ang lalaking nakasuot umano ng bonnet, itim na jacket at maong pants.