Balita

Nasawi sa ‘Vinta’, nasa 200 na

- Aaron Recuenco

Umaabot na sa 200 ang nasawi, at mahigit 140 pa ang nawawala sa pagguho ng lupa at baha na dulot ng pananalasa ng bagyong ‘Vinta’ sa Mindanao.

Ayon sa mga disaster management official, matinding buhos ng ulan ang hatid ng Vinta na hindi lamang nagpalubog sa baha sa maraming lugar kundi nagbunsod din ng paglambot ng lupa, dahil na rin sa naunang bagyo na nanalasa, ang ‘Urduja’, na pumatay sa 54 na katao sa Eastern Visayas at Bicol.

Pinakamati­nding sinalanta ng Vinta ang Lanao del Norte, at nasa 127 sa lalawigan ang nasawi sa bagyo.

Sinabi ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsal­ita ng Police Regional Office ( PRO)- 10, na 69 pa ang nawawala sa Lanao del Norte, batay sa ulat ng iba’t ibang himpilan ng pulisya sa probinsiya.

Nasa 43 naman ang nasawi at 71 ang nawawala sa Zamboanga del Norte, ayon kay Chief Insp. Hazel Galvez, tagapagsal­ita ng Zamboanga Peninsula regional police.

Ayon kay Galvez, karamihan sa mga nasawi ay mula sa bayan ng Gutalac na nasa 20, siyam ang patay sa Salug, pito sa Siocon, anim sa Sibuco, at isa sa Leon Postigo.

Sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), 18 ang nasawi sa Lanao del Sur, tatlo ang nawawala, ayon kay Zia Adiong, hepe ng Crisis Management Committee ng lalawigan.

Anim ang nasawi sa Bukidnon, tig-isa sa Iligan City at Misamis Occidental, at apat sa Zamboanga Sibugay.

Sa Northern Mindanao, 113 bahay at apat na tulay ang nawasak, ayon kay Gonda.

Sinabi naman ni Galvez na daandaang bahay at ilang kalsada at tulay ang napinsala dahil sa landslides at baha.

May kabuuang 315 evacuation center naman ang binuksan sa Northern Mindanao, at inookupa ngayon ng 41,109 na katao, ayon kay Gonda.

Sa Zamboanga Peninsula, may 129 na evacuation centers na tinutuluya­n ngayon ng 7,692 indibiduwa­l.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines