Starvation diet
BAGAMAT ipinaiiral ng gobyerno ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang isang unilateral ceasefire o tigil-putukan sa komunistang kilusan sa Pilipinas, pinaikli ito ng pangulo. Inihayag ni presidential spokesman Harry Roque na ang tigil-putukan ay epektibo lamang mula sa 6pm ng Disyembre 23 hanggang 11:59pm ng Disyembre 26, at mula 6pm ng Disyembre 30 hanggang 11:59pm ng Enero 2.
Sinabi ni Roque na karapatan ng Presidente na baguhin ang desisyon nang tanungin siya ng mga reporter kung bakit nagbago ng isip si PRRD at pinaikli ang ceasefire sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Noong Miyerkules, iniutos ni PDU30 ang Suspension of Military Operations (SOMO) laban sa NPA rebels mula Disyembre 24, 2017 hanggang Enero 2, 2018.
Ang Christmas truce ay isang tradisyon na ipinatutupad ng military at ng CPP-NPA sapul nang ilunsad ang usapang-pangkapayapaan noong huling bahagi ng 1980s sa ilalim ng unang Aquino administration. Ang SOMO ay may bisa kahit tinapos na ni Mano Digong ang peace talks sa partido komunista ng Pilipinas at pagtuturing sa CPP-NPA-NDF bilang teroristang grupo.
Nagpahayag ng paniniwala at pagasa si Pres. Rody na magdedeklara rin ng tigil-putukan ang komunistang kilusan upang maging tahimik ang Pasko. Para kay Jose Ma. Sison (Joma), founding chairman ng CPP, ang unilateral ceasefire ni Duterte ay isang “sham”. Inatasan niya ang NPA na maging alerto sa pagsalakay ng mga tropa ng gobyerno.
Prangkahang inamin ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na sinadya ng liderato ng Kamara na hindi pagkalooban ng mga pondo ang mga proyekto ng opposition congressmen. Sa halip, sinabi ni Speaker Bebot na inuuna lang niyang bigyan ng pondo ang mga kaalyadong kongresista na sumusuporta sa Duterte administration.
Pahayag ni Alvarez: “I mean what I say and I am not in the habit of saying one thing and doing another.” Binigyangdiin na kung may pera, titiyakin niyang ito ay ilalaan sa tamang pamamaraan. Prayoridad niyang bigyan ng pondo ang kaalyadong mga mambabatas kaysa taga-oposisyon, tulad ng Magnificent 7 ni Albay Rep. Edcel Lagman, o ng maka-kaliwang grupo nina Bayan Muna Rep. Isagani Zarate at ACT Rep. Antonio Tinio.
Talagang asar na asar si PRRD sa mga opisyal na mahilig magbiyahe sa ibang bansa sapagkat ginagastos daw nila ang salapi ng bayan. Tinanggal niya ang ilang pinuno ng executive branch bunsod umano ng walang kapararakang mga biyahe sa ibang bansa. Kabilang dito sina ex-Rep. Terry Ridon ng Presidential Commission on Urban Poor (PCUP) at Elba Cruz, pangulo ng ...
Development Academy of the Philippines.
Dahil dito, magpapataw mula ngayon si PDU30 ng tinatawag na “starvation diet” sa foreign trips ng mga pinuno ng executive branch. Nasa tamang direksiyon ito, Mr. President. Ngayon ay gustong malaman ng taumbayan kung ano ang hakbang mo sa mga tanggapan na umano’y nagdaos ng maluhong Christmas Party, gaya ng Philippine Charity Sweepstales Office (PCSO), na P6 milyon daw ang ginastos gayong maraming namatay, napinsala at nagugutom na biktima ang bagyong Urduja!