Blue carbon roadmap upang mapangalagaan ang yamang dagat
MAGLALATAG ang isang multi-agency technical working group ng Philippine roadmap para sa blue carbon control, ayon sa isang opisyal ng Climate Change Commission.
‘The roadmap will identify measures for dealing with blue carbon,” lahad ni Seal Patiño, development management officer ng komisyon.
Ang blue carbon ay ang carbon na nakuha at naimbak sa coastal at marine ecosystems sa buong mundo.
Kabilang sa ecosystems na ito ay bakawan, na naghahatid ng proteksiyon sa dalampasigan at naghahatid ng iba pang mga pakinabang.
Ang bakawan ay grupo ng mga puno at shrubs sa intertidal zones, o mga lugar na nalalantad sa hangin kapag low tide, at lumulubog sa tubig kapag high tide, paliwanag ng mga eksperto.
Ang mga carbon na naipon sa mga ecosystem ay naiimbak sa mga sanga at iba pang bahagi ng mga halaman, ayon sa mga dalubhasa.
Gayunman, kapag ang mga coastal at marine ecosystem na ito ay nasira o naglaho, ang mga naturang carbon ay sumisingaw at bumabalik sa hangin bilang carbon dioxide.
Isa ang carbon dioxide sa mga greenhouse gas na nagkukulong ng init sa ere, na dulot ang pag-init ng temperatura, at nagbubunsod ng pagbabago sa klima.
Tinukoy na ng mga eksperto ang Pilpinas bilang isa sa mga bansang pinakadelikado sa climate change.
Natukoy sa mga pag-aaral na nawawala ang natural na kakayahan ng bansa na mag-imbak ng blue carbon.
Una rito, ibinunyag ni Climate Change Commission Commissioner Noel Gaerlan na kailangan nang mas paghusayin ang pangangalaga, pagbibigay ng proteksiyon, at pagpapanatili ng maayos na pangangasiwa sa mga coastal at marine ecosystem sa buong mundo.
“Climate change is a real threat to the country,” sabi ni Gaerlan.